Isang maikling komento ang binitawan ni Vice President Sara Duterte hinggil sa umuugong na isyu ng kalusugan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Sa panayam sa kaniya ng media nitong Huwebes, Abril 9, 2026, nagpaabot na lamang ng goodluck ang Bise Presidente hinggil sa mga intriga sa kalusugan ni PBBM.
“Goodluck sa kaniya!” ani VP Sara.
Matatandaang nagbabala na ang Palasyo laban sa mga nagpapakalat umano ng mga pekeng impormasyon hinggil sa kalusugna ni PBBM kung saan iginiit na may cancer umano ang Pangulo.
“Yung nagpapakalat on the health of PBBM, we’re collecting na all pieces of evidence and will initiate a complaint with the DOJ hopefully next week,” ani Presidential Communication Office Sec. Dave Gomez sa media.
Dagdag pa ng opisyal, layunin daw ng hakbang na ito na mapanagot ang mga responsable at mapigilan ang paglaganap ng fake news na maaaring magdulot ng kalituhan sa publiko.
KAUGNAY NA BALITA: Lagot! Mga nagpakalat na may malubhang sakit si PBBM, sasampolan ng Palasyo
Samantala, mismong si PBBM na rin ang nagbigay-linaw na tanging ang timbang lang daw niya ang pinagtutuunan niya ng pansin sa kaniyang kalusugan.
“I’m struggling kasi ayoko nang tumaba ulit. That’s what I’m taking care of,” ani Marcos.
Binigyang-diin din niya na hindi dapat seryosohin ang mga kumakalat na impormasyon sa social media patungkol sa kanyang kalagayan.
“‘Wag niyo masyadong siniseryoso, alam n’yo naman ang social media, palabiro ‘yan. Wala po tayong problema. I am back to my regular routine… wala nang bawal,” dagdag pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: 'Ayoko nang tumaba!' PBBM, may nilinaw tungkol sa kalusugan niya