Ang pagkakasakit ay hindi biro, dahil bukod sa dinaramdam ito sa katawan at pag-iisip, naaapektuhan din ang bulsa ng buong pamilya.
Kaya ang pagpunta sa tamang ospital na may mga akmang pasilidad ay isa sa mga mahahalagang aspeto na dapat ikonsidera ng bawat mamamayan upang tiyak na matugunan ang kanilang mga pangangailangan, na susi sa agarang pagbuti ng kalagayan.
Dahil dito, narito ang iba’t ibang kategorya at lebel ng mga ospital sa bansa ayon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth):
By services provided
General Hospital
Ito ang mga ospital na mayroong serbisyo sa lahat ng uri ng sakit, injuries o mga kahinaan.
Kadalasan itong binubuo ng outpatient department, emergency, family, at community medicine, pediatrics, internal medicine, obstetrics-gynecology, surgery, kabilang ang diagnostics at laboratory services, imaging facility, at botika.
Specialty Hospitals
Ito ang mga ospital na mayroong espesyalidad na tumugon sa mga pasyenteng may partikular na kondisyong nangangailan ng iba pang treatment, mga pasyenteng may sakit sa partikular na parte ng katawan, o kaya’y partikular na grupo ng mga pasyente tulad ng mga bata, kababaihan, o matatanda.
By service capability
Level 1
Ito ay ang mga ospital na mayroong isolation facilities, maternity, dental clinics, 1st level x-ray, secondary clinical laboratory na may consulting pathologist, blood station, at botika.
Level 2
Kabilang sa mga pasilidad ng mga ospital na ito ay ang departmentalized clinical services, respiratory units, Intensive Care Unit (ICU), Neonatal Intensive Care Unit (NICU), at High-Risk Pregnancy Unit (HRPU), clinical laboratory, at 2nd level x-ray.
Level 3
Kabilang sa mga pasilidad rito ay ang teaching, training, o kaya’y research facilities, physical medicine at rehabilitation science, ambulatory surgery, dialysis, tertiary laboratory, blood bank, at 3rd level x-ray.
By ownership
Government
Kilala rin bilang public o government hospital, ito ay ang ospital na pagmamay-ari ng pamahalaan at tumatanggap ng pondo mula rito.
Private
Ang private hospital naman ay pagmamay-ari ng “for-profit company” o ng isang “non-profit organization” at pinopondahan para sa kanilang medical services, na nagmumula sa mga pasyente, insurer, pamahalaan sa pamamagitan ng national health insurance programs, o kaya’y foreign embassies.