Kabi-kabilang mga maiinit na habulan, diinan, at sigawan ang kamakailang mga naganap sa Kongreso sa mga nagdaang araw.
Partikular na ang naging mainit na tensyon sa Senado noong Lunes, Mayo 11, 2026, nang biglang dumating at magpakita si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa sesyon ng mataas na kapulungan.
Matapos ito ng hindi niya naging pagsipot sa mga sesyon ng Senado at hindi rin magpakita ng kaniyang presensya sa publiko sa loob ng humigit-kumulang anim na buwan mula nang pumutok ang balitang may arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya.
Matatandaan kasing isa si Dela Rosa sa mga pinangalanan ng ICC bilang co-perpetrators umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa war on drugs mula 2011 hanggang 2019.
Sa pagdating ni Dela Rosa sa plenaryo, emosyonal niyang ibinahagi sa media na hinarang umano siya upang hindi makadalo sa sesyon ng Senado.
Kalaunan, isinapubliko ng Senado ang kopya ng footage ng naging paghabol ng mga opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) kay Dela Rosa nang dumating ang huli para dumalo sa nakatakda nilang sesyon.
Mula rito, lumabas ang kumpirmasyon ng inisyung warrant of arrest ng ICC laban kay Dela Rosa na dala-dala ng NBI at ni dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV noong araw ding ‘yon.
Ngunit bago nito, ano nga ba ang mga posibleng dahilan kung bakit nakumbinse ni Dela Rosa ang kaniyang sarili na muling dumalo sa sesyon ng Senado sa kabila ng matagal na panahon na niyang pagtatago sa publiko?
Ayon naging panayam ng isang radio station kay Dela Rosa nitong Miyerkules, Mayo 13, sinabi niyang ang kapuwa niya senador na si Sen. Alan Peter Cayetano ang kumausap sa kaniya para muling pumasok sa Senado.
Paglalatag ng mga dahilan ni Dela Rosa, muli raw siyang dumalo sa sesyon nila dahil kinakailangan daw niyang bumoto sa pagpapalit ng liderato sa Senado.
“Kinakailangan para kami na naman ulit ang magiging majority. Kailangang nandon ako para bumoto. Isa na ‘yon sa rason kung bakit ako nag-surface,” pagsisimula niya.
Matatandaang matagumpay na naganap ang kudeta sa Senado noon ding Lunes matapos mapalitan ni Cayetano si Sen. Vicente “Tito” Sotto III bilang Senate President.
Nakakuha si Cayetano ng 13 boto na pabor sa kaniya mula sa mga kapuwa senador at 9 naman kay Sotto habang dalawa ang nag-abstain.
KAUGNAY NA BALITA: Palit-liderato sa Senado, walang kinalaman sa impeachment—Cayetano
Ani Dela Rosa, may nakatakda rin daw kasing asikasuhin ang Senado na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
“Pangalawa, mayroon kaming in pending na impeachment trial na gaganapin sa Senado,” saad niya.
Matatandaang nakalikom ng kabuuang 257-25-9 na boto mula sa mga miyembro ng Kamara ang impeachment case laban kay VP Sara noon ding Lunes.
Dahilan ito para pormal nang ipasa ng Kamara sa Senado ang articles of impeachment laban sa Bise Presidente at tumayo bilang impeachment court ang mataas na kapulungan para sa impeachment trial.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara matapos ma-impeach sa Kamara: 'Araw-araw ako nagdarasal na maging maayos Pilipinas!'
Pagpapatuloy ni Dela Rosa, nahihiya na rin daw kasi siya sa publiko dahil sa sinasabi ng mga itong patuloy niya raw tinatanggap ang kaniyang suweldo kahit hindi naman siya pumapasok sa kaniyang opisina at hindi rin dumadalo sa mga sesyon sa Senado.
“Pangatlo, nahihiya na po ako sa ating mga kababayan na nagsasabi na ako patuloy na tumatanggap ng sahod galing sa gobyerno na hindi naman nagtatrabaho,” kuwento niya.
Dagdag pa niya, “So nahihiya na po ako… kaya sabi ko, magpakita na tayo [at] magtrabaho na tayo.”
Sa kasalukuyan, nananatili pa rin sa ilalim ng proteksyon ng Senado si Dela Rosa at hindi pa lumalabas sa nasabing tanggapan ng mataas na kapulungan.
KAUGNAY NA BALITA: 'Maghintay lang sila:' Sen. Bato, sumagot sa 5 senador na pinapasuko siya!