Ibinahagi sa publiko ni Vice President Sara Duterte na araw-araw pa rin daw siyang nagdarasal para maayos ang mga problema sa Pilipinas matapos siyang ma-impeach sa House of the Representatives noong Lunes, Mayo 11, 2026.
Matatandaang nakalikom ng kabuuang 257-25-9 na boto mula sa mga miyembro ng Kamara ang impeachment case laban kay VP Sara.
Dahilan ito para pormal nang ipasa ng Kamara sa Senado ang impeachment case laban sa Bise Presidente at tumayo bilang impeachment court ang mataas na kapulungan para sa impeachment trial.
Ayon naman sa inilabas na video ng Duterte supporter na si Alvin Sarzate sa panayam nila kay VP Sara noon ding Lunes (araw sa The Hague, Netherlands), sinabi ng Bise na nagpapasalamat daw siya sa taumbayan na patuloy na sumusuporta at hindi nawawalan ng tiwala sa kaniya.
“Nagpapasalamat ako sa ating mga kababayan dahil hindi sila tumitigil sa kanilang pagsuporta,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Hindi sila nawawalan ng pagtitiwala sa akin at nandyan pa rin ‘yong pagmamahal.”
Ani VP Sara, tila raw pagmamahal na ang nararamdaman niyang suporta sa publiko dahil meron nang malasakit ang pinapakita ng marami para suportahan siya.
“Nararamdaman ko na hindi lang parang basic support… kundi meron nang pagmamahal. Dahil meron nang kasamang malasakit ‘yong kanilang pagpapakita ng suporta,” aniya.
Giit niya, “Hindi lahat ng mga public officials binibigyan ng ganiyan ng mga kababayan natin kaya araw-araw ‘yong pagpapasalamat ko.”
Pagpapatuloy niya, araw-araw din daw siyang nagdarasal para maging maayos ang bansa bilang tugon sa pagmamahal na binibigay ng mga tao sa kaniya.
“Araw-araw ako ding nagdarasal na maging maayos ‘yong Pilipinas dahil ‘yon ‘yong kapalit sa pagmamahal ng taumbayan,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Rep. Gerville Luistro, nanindigang dumaan sa due process impeachment case vs VP Sara!
KAUGNAY NA BALITA: Leviste sa umano'y lagay sa mga papabor sa impeachment: 'Be fair that everyone who votes gets ₱20M!'