Tumindig si House Justice Committee chairperson at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro na maingat daw nilang sinunod ang proseso at binigyan ng pagkakataon ang lahat ng panig sa mga isinagawa nilang pagdinig sa House Committee on Justice kaugnay sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa naging pahayag ni Luistro sa kaniyang speech sa pagbubukas ng House plenary nitong Lunes, Mayo 11, 2026, sinabi niyang hindi raw nagmadali sa proseso ng deliberasyon ng impeachment case laban sa Bise Presidente.
Ani Luistro, sinunod din daw nila ang one-year Bar rule ng Konstitusyon, isinagawa ang kanilang mga pagdinig nang bukas sa publiko, at nakinig sa mga tumututol sa paggulong ng naturang impeachment.
“Sinunod natin ang one-year Bar rule, binigyan natin ng pagkakataon ang bawat panig, ang pagdinig ay isinagawa nang hayagan, naka-live stream at bukas taumbayan, at higit sa lahat pinakinggan natin maging ang mga tumututol sa impeachment,” aniya.
Dagdag pa niya, “Pinakinggan natin ang bawat manifestation, bawat argumento, bawat legal na punto. Hindi tayo naghanap ng shortcut, naghanap tayo ng katotohanan.”
Diin niya, hindi raw paghamak sa mamamayang sumusuporta kay VP Sara ang pagsusulong nila ng impeachment dahil iginagalang daw nila ang publiko sa isang bansang may demokrasya.
“Maging malinaw po tayo, ang prosesong ito ay hindi paghamak sa mga Pilipinong sumusuporta sa Bise Presidente. Sa isang demokrasya, ang suporta ng mamamayan ay dapat igalang,” saad niya.
Ngunit pagtitiyak ni Luistro, wala daw dapat opisyal ng gobyerno, kahit gaano pa man kataas ang mga ito, ang makalampas sa pananagutan sa ilalim ng ipinag-uutos ng Konstitusyon.
“Ngunit kahit gaano kataas ang posisyon, kahit gaano kalakas ang suporta, walang sinoman ang lampas sa pananagutan sa ilalim ng Konstitusyon,” pagtatapos pa niya.
Habag sinusulat ito, kasalukuyan nang nagsimula ang House plenary kung saan nakatakdang bumoto ang lahat ng mga miyembro ng Kamara kung papabor ba sila o hindi sa impeachment case laban kay VP Sara.
Sa House plenary, kinakailangang makakuha ng one-third na boto mula sa mga kongresista ang naturang impeachment case laban sa Bise Presidente bago ito tuluyang umakyat sa Senado.