Ipinaliwanag ni Kamanggagawa party-list Rep. Eli San Fernando kung bakit kasama siya sa mga pumabor na maiakyat sa Senado ang impeachment ni Vice President Sara Duterte, na isinagawa sa House of Representatives noong Lunes, Mayo 11.
Marami ang nagulat na nag-yes si San Fernando sa impeachment ni VP Sara, dahil sa akala ng marami, na nasa panig siya ng mga Duterte.
Kabilang si San Fernando sa 257 mga mambabatas na bumoto ng affirmative sa impeachment, 25 naman ang negative o tutol, at 9 naman ang nag-abstain.
Sa kaniyang speech matapos ang pagboto, at post na rin sa social media, ipinaliwanag ni San Fernando kung bakit ba siya sumang-ayon sa impeachment.
"Ang botong YES with STRONG RESERVATIONS ay para bigyang oportunidad si VP Sara na magpaliwanag. Pero WAG MAGMALINIS ang gobyerno – kailangan ding managot ni PBBM sa TRILYONG PISO na nawawala dahil sa ghost flood control projects!" aniya.
"Kaya ang matapang na hamon sa mga kapwa congressman kung seryoso kayo sa ACCOUNTABILITY: pumirma tayong lahat ng Bank Secrecy Waiver at isapubliko ang mga SALN!" dagdag pa niya.
"Let us hold the Vice President accountable. Kailangang masagot ng Bise Presidente ang lahat ng mga alegasyong ipinupukol sa kaniya," saad pa ni San Fernando. "
"Ang trial ang magbibigay ng oportunidad upang siya'y makapagpaliwanag at hayaang malitis upang malaman ng lahat kung siya ba ay may pananagutan o dapat na mapawalang-sala. Ito lang po ang tanging paraan," paliwanag pa niya.
Sa panayam naman sa media, sinabi ni San Fernando na nakitaan ng probable cause ang impeachment ng Pangalawang Pangulo, at sa paglilitis lamang niya malilinis ang kaniyang pangalan sa pamamagitan ng mga ebidensya.