“Hindi pa ako nanay, pero nakukunsumi na ‘ko.”
Ito ang ilan sa dinaramdam ng maraming Ate dahil sa pagiging “third parent” sa kanilang mga nakababatang kapatid.
Dahil kadalasan, sila ang inaasahang tumulong sa mga kapatid at managot sa kanilang mga kilos at salita.
Kaya kasama rin sa pasaning ito na marinig nila ang mga salitang, “mas matanda ka, dapat ikaw ang mas nakakaintindi” o kaya nama’y “ikaw ang ‘role model’ ng mga kapatid mo, dapat maayos ka.”
Ano ang Eldest Daughter Syndrome?
Ayon sa pag-aaral ng Simply Psychology, ang “eldest daughter syndrome” ay tumutukoy sa “unofficial role” na nakukuha ng maraming panganay na babae sa kanilang pamilya, kung saan, sila ay nagiging caretaker, role model, at overachiever.
Ilan pa sa mga katangian nito ay ang pagiging mulat ng maaga dahil sa iba pang mga responsibilidad kasama ang pagiging emotional support ng mga magulang.
Kaya kadalasan, ang ilang panganay na babae ay nakikitaan din ng mga kaugaliang people-pleasing, perfectionism at pressure na manguna sa bawat gawain, hyper-responsibility, at pagpapabaya sa personal nilang emosyon.
Dahil dito, ito ay kadalasa’y nagdudulot ng “overworking at imposter syndrome” sa mga panganay na babae, na tumutukoy sa pakiramdam ng kakulangan sa kabila ng mga napatunayan na sa buhay.
Gayundin ang hirap sa pagkakaroon ng boundaries at overcommitment sa mga relasyon at trabaho upang maiwasan ang posibilidad ng problema.
Ayon sa pag-aaral ng Intuitive Healing, habang personal at mahabang proseso, ang healing mula Eldest Daughter Syndrome ay posible.
Dahil ito ay tungkol sa paghahanap ng balanse sa pagkilala ng sariling mga pangangailangan at mga responsibilidad.
Kaya ipinapayo rito sa mga nakatatandang kapatid na malaking tulong ang therapy upang magkaroon ng propesyonal na tagapakinig at magbibigay ng advice upang masimulan ang healing journey.
Dahil dito, deserve ng mga Ate na batiin ng Mother’s Day bilang pasasalamat at pagkilala sa kanilang mga sakripisyo para sa mga kapatid, na sa batang edad pa lamang, ay nakakaintindi na sa stress ng mga magulang sa pagtataguyod ng buong pamilya.
KAUGNAY NA BALITA: Liban kay ermat: Sino-sino pa ang puwedeng batiin ng Happy Mother's Day?