May 22, 2026

Home FEATURES

Liban kay ermat: Sino-sino pa ang puwedeng batiin ng Happy Mother's Day?

Liban kay ermat: Sino-sino pa ang puwedeng batiin ng Happy Mother's Day?
Photo courtesy: Unsplash


Ano ba ang basehan para maturing na ina ang isang tao?

Sapat bang siya ay isang babae, na may kakayahang magluwal ng isang sanggol mula sa kaniyang sinapupunan?

O maaari ding makonsidera bilang isang ina ang mga taong hindi man nanganak, ay patuloy na nagpapakaina?

Ngayong Linggo, Mayo 10, ipinagdiriwang ang Mother’s Day, tanda ng kagitingan at pagmamahal na walang kapalit na inaalay ng mga ina sa araw-araw.

Ngunit, talaga bang para lamang sa mga lehitimong nanay, ermat, mama, ina, mommy ang araw na ito?

Batay sa isang artikulong mababasa sa pahinang “Ferns N Petals,” ang Mother’s Day ay hindi lamang para sa mga ina.

Anang source, liban sa ina, may mga tao pa ring ginagawang espesyal ang buhay ng isang tao—na dapat ay batiin din sa araw ng mga ina.

Base sa artikulo, nariyan ang mga lola na maituturing na “ultimate source of happiness.” 

Nariyan din daw ang mga lolong nagbabahagi ng regalo at pagmamahal sa kanilang mga apo.

Malaki rin daw ang papel ng mga ate at tita sa buhay ng mga tao, sapagkat sila ay tumatayo ring mga ina para sa isang indibidwal.

Sa mga kasal na, nandiyan naman ang biyenang babae na tumatayo ring suporta sa pamilya.

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Anang artikulo, ang Mother’s Day ay para din sa mga kapitbahay na babae, katrabaho, o kahit sino pa man.

Hinggil naman sa mga modernong usapin, laganap na rin ang pagbati ng “Happy Mother’s Day” para sa mga tatay na tumatayong ama’t ina sa kani-kanilang mga anak.

Malawak ang diskusyon ng pagiging ina, ngunit tiyak na lehitimong pagpapakaina ang pagbabahagi ng pagmamahal, kalinga, at aruga—ano pa man siya o sino pa man siya sa mundo.