May 22, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

Salitang Ina: Mga litanya ni Nanay sa pagpapalaki ng mga anak

Salitang Ina: Mga litanya ni Nanay sa pagpapalaki ng mga anak
Photo courtesy: Unsplash

“Lagi na lang ako ang gumagalaw sa bahay na ‘to!” 

Isa lamang ito sa mga linyahan ng mga nanay na gumigising sa diwa ng bawat miyembro ng pamilya, dahil kadalasan, katakot-takot na sermon na ang kasunod. 

Kaya para sa ilang pamilya, bagama’t ang tatay ang tumatayong “haligi ng tahanan,” nananatiling ang nanay ang batas at dahil sa tapang niyang taglay.

Gayunman, sa likod ng mapanakdang-asal nila, nagkukubli ang malambot at mapagmahal niyang puso. 

Kaya bilang pagdiriwang ng Mother’s Day ngayong Linggo, Mayo 10, narito ang ilan sa kanilang “iconic lines,” na hindi naitatangging narinig na ng maraming anak: 

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

“Kapag ako namatay, kawawa kayo!” 

Itong linyang ito ay kadalasang sinasabi ng mga nanay tuwing may utos o sinabi siyang hindi nagawa ng mga anak, sinadya man o hindi. 

Sa likod ng linyang ito, nais lamang ng mga nanay na mas ma-appreciate ang kanilang pagpapagal at pagsasakripisyo.

“Uwi ba ‘yan ng matinong babae/lalaki?” 

Bunsod ng pag-aalala, may mga nanay na hindi nakakatulog hangga’t hindi nakakatungtong sa bahay ang mga anak nila, kaya, nasasabi nila ang linyang ito upang ituro na kadalasa’y delikado na sa mga kalsada tuwing dis oras ng gabi. 

“Anong akala mo sa’kin,  nagtatae ng pera?” 

Dahil totoo namang hindi madaling kumita ng pera, itinuturo ng mga nanay sa linyang ito na mas magbigay ng pagpapahalaga sa kinikitang pera at pag-isipang maigi ang pagkakagastusan. 

“Ubusin mo ‘yan. Dami-daming batang di kumakain.” 

Kadalasan itong sinasabi ng maraming nanay habang nanlalaki ang mga mata sa anak, dahil nais nilang ituro ang pagpapahalaga sa biyaya ng pagkain. 

Kung pilosopo ang anak, minsa’y sinasagot pa ito ng, “kapag kinain ko ba yan, mabubusog sila?” 

Ngunit ang pagsagot ng ganoon ay “ipinagbabawal na teknik” kahit na biro lamang dahil sinasalubong ito ng sampal sa bibig. 

“Gamitin mo ‘yang mata mo. H’wag puro bibig” 

Kadalasa’y may halong pagod sa tono, nais ituro ng mga nanay sa linyang ito ang kahalagahan ng pagiging masinop sa gamit.

Kaya minsan pa nga’y karugtong nito ang mga katagang, “napaka-burara n’yo. Kaya kapag ako namatay, kawawa kayo.” 

Ngunit aminin man o sa hindi ng mga anak, may mga nawawalang gamit na kapag ang mga nanay ang naghanap, ay bigla na lang lumilitaw.

“Masuwerte nga kayo…” 

Ito ay kadalasang sinasabi sa kalagitnaan ng masinsinang kuwentuhan, hindi para sumapaw, kung hindi upang ibahagi rin sa anak ang hirap na dinanas ng ina upang umangat sa buhay.

“Para kayong may alila ah!” 

Katulad ng pagiging masinop sa gamit, kadalasang idinadaan sa rant o galit ng mga nanay ang kanilang pagod upang mariing ituro sa mga anak ang kahalagahan ng paglilinis sa bahay o lugar na tinitirhan. 

Kadugtong din nito madalas ng linyang, “kapag ako talaga namatay, sa kangkungan kayo pupulutiin.” 

Anuman ang linyang madalas na naririnig sa mga nanay, pagalit man o pasigaw, mahalagang tandaan na isa ito sa kanilang “love language” para sa mga anak.

Bukod pa rito, patunay ang mga linyang ito na hindi madaling magpalaki ng anak, at ito ay isang “superpower” na natututunan na lamang sa ilang taon ng pagiging nanay. 

KAUGNAY NA BALITA: #BaliTaympers: Mga linyahan ni nanay kapag galit sa anak!