May 22, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

‘Bawal mawala o masira!’ Mga gamit sa bahay na itinuturing na ‘anak ni Mama’

‘Bawal mawala o masira!’ Mga gamit sa bahay na itinuturing na ‘anak ni Mama’
Photo courtesy: Unsplash, Pexels

Itinuturing na mga pinakamamahal na “anak ni Mama,” may ilang kagamitan sa bahay na hindi lang gamit dahil minsan, mas grabe pa ang ipinapamalas na pag-iingat ng mga nanay sa mga ito. 

Kadalasan pa nga, kapag nawawala o naiiwan ang mga gamit na ito sa ibang lugar, hinahanda na ng maraming anak ang tainga nila sa katakot-takot na paglilitanya ng kanilang nanay. 

Kumbaga, “Mawala ka na, wag lang ang gamit ni Mama.” 

Dahil dito, narito ang ilan sa mga pinakaiingat-ingatang gamit ng maraming nanay: 

Payong

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Pinakauna sa listahan ay ang payong dahil bagama’t magaan, kadalasang naiiwan sa jeep, classroom, opisina, o labas ng convenience store, lalo na kung mahaba at naiipit sa mga sulok-sulok. 

Ice cream tub 

Ito ang isa sa mga multi-purpose na gamit ng mga nanay dahil pagkatapos ng handaan, sa mga susunod na araw, isda o karne na ang ilalagay dito. 

Ito ay nagsisilbi ring “jumpscare” sa mga miyembro ng pamilyang umaasa na may natira pang ice cream ngunit nagyeyelong ulam na ang matatagpuan sa pagbukas. 

Tupperware/food containers

Katulad ng payong, ang tupperware ay isa sa mga mahahalagang ipinapabaon sa mga anak. 

Dahil magaan ngunit dagdag sa mga dalahin pauwi, lalo na kung ubos na ang pagkain, ang pagtapon o pag-iwan nito ay itinuturing na “mortal sin” sa mga nanay. 

Sinumang anak na makaiwan o magtapon nito ay inaabisong ihanda ang tainga sa mahaba-habang sermon ng nanay. 

Water jug o tubigan

Madalas na ka-partner ng tupperware, ang water jug o tubigan ay isa pa sa “treasured possessions” ng mga nanay dahil bukod sa pinahahalagahan nila ang regular na hydration ng kanilang anak kahit nasa labas ng tahanan, hindi ito madaling palitan dahil may iba’t ibang features ang mga water jug na nagpapamahal dito. 

Face towel o panyo

Ang face towel o panyo na kadalasang binibili ng naka-set ay kadalasang unti-unting nababawasan hanggang sa wala nang makita sa labahan ang mga nanay. 

May ilang nahuhulog sa sasakyan o kaya’y naiiwan sa lamesa o upuan kaya nagiging pamunas na lang sa whiteboard o blackboard para sa mga estudyante. 

Mahalagang tandaan na sa bawat sermon at pag-iingat sa mga kagamitang ito, itinuturo lamang ng mga nanay ang kahalagahan ng pagiging masinop at maagap sa kagamitang pinaghirapang bilhin.