May 22, 2026

Home BALITA National

Sen. Kiko, di uurungan bantang ethics complaint ni Sen. Robin: 'Di uubra pasiga-siga sa akin!'

Sen. Kiko, di uurungan bantang ethics complaint ni Sen. Robin: 'Di uubra pasiga-siga sa akin!'
Photo courtesy: Screenshots from Senate of the Philippines (FB)

Mariing sinagot ni Sen. Kiko Pangilinan ang bantang pagsasampa ng ethics complaint laban sa kaniya ni Sen. Robin Padilla matapos ang mainit na palitan nila sa plenaryo ng Senado nitong Martes, Mayo 12.

Sa isang pahayag, sinabi ni Pangilinan na sa matagal na niyang panunungkulan sa Senado at sa dami ng matitinding debate at sigawan sa plenaryo, ngayon lamang umano siya nakarinig ng ganitong uri ng ethics complaint kaugnay ng pagtataas ng boses sa debate.

Ayon kay Pangilinan, hindi maiiwasan ang maiinit na argumento sa plenaryo lalo na kapag sensitibo ang usapin, at kung maituturing itong paglabag sa ethics, marami na sanang senador noon ang nakasuhan at naparusahan. Binigyang-diin niya na wala umanong legal na basehan ang bantang reklamo laban sa kaniya.

“Huwag maging balat sibuyas. Walang legal na basehan at walang kuwenta ang ethics case complaint na ‘yan,” ani Pangilinan.

Dagdag pa niya, handa siyang sagutin ang anumang reklamong ihahain laban sa kaniya at posibleng magsampa rin ng kontra-reklamo sa Ethics Committee laban kay Padilla.

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

Iginiit ng senador na may mga naging paglabag umano si Padilla sa parliamentary rules at proper decorum matapos umano siyang pagbantaan, takutin at sindakin habang naka-recess ang sesyon ng Senado.

Sinabi rin ni Pangilinan na hindi niya uurungan ang anumang hakbang laban sa kaniya at hindi umano uubra ang aniya’y “pambubully” at “pasiga-siga” na asal sa Senado.

"Kung sakali man, sasagutin ko ng kontra-reklamo sa Ethics Committee sa kanyang paglabag sa parliamentary rules at pagiging out of order at sa kawalan ng proper decorum, ang pagbabanta sa akin, pananakot at paninindak sa akin sa plenary session kanina habang naka recess," aniya.

"Hindi uubra ang pambubully at pa siga siga sa akin. Mas may basehang kasuhan yang pasiga-siga, pambabastos at at ang kawalan ng proper decorum sa kapwa senador sa Senado. Lahat on record."

Gayunman, nilinaw ni Pangilinan na wala siyang intensiyong makipag-away ngunit handa siyang depensahan ang kaniyang sarili laban sa aniya’y walang basehang kaso.

"Ayaw ko ng away. Hindi ako palaaway pero hindi ko aatrasan ang sinuman kung ang gusto ay ganitong walang kwentang kasuhan," pahayag pa ni Pangilinan.

PANGILINAN VS PADILLA

Inilahad ni Padilla ang aniya’y magandang pagresponde ng Commission on Human Rights (CHR) sa inabot ni Sen. Bato matapos muling magpakita sa Senado at makaranas ng "pakikipaghabulan" sa mga nagtangkang humuli sa kaniya, mula sa agents ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) sa kasong crimes against humanity bilang umano'y co-perpetrator ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Pero nag-point of order si Pangilinan at sinabing ipagpaliban na munang pag-usapan ang tungkol kay Sen. Bato upang mas mapag-usapan na nila ang iba pang mga usapin.

Bagay na pinalagan naman ni Padilla, subalit mabilis namang sinabi ni Pangilinan na nasa kaniya pa ang floor para magsalita.

“I still have the floor! And for the record Mr. President, we voted against Resolution No. 44, so to say that we have this resolution yes, but there are senators who voted against it, and therefore it is not necessarily our agreement with the points being raised by the good senator from Camarines Norte,” anang Sen. Kiko.

Inireklamo naman ni Padilla ang umano'y paninigaw sa kaniya ni Pangilinan.

Sinuspinde naman ni Senate President Alan Peter Cayetano ang sesyon dahil sa tensyon sa pagitan ng dalawang senador.

Samantala, nahagip naman sa mga kuhang video na nagtangkang lapitan at kamayan ni Sen. Kiko si Sen. Robin subalit hindi nagpaunlak ang huli.

Maki-Balita: Sinigawan daw! Sen. Robin, tumangging makipagkamay kay Sen. Kiko