Hindi tinanggap ni Sen. Robin Padilla ang pakikipagkamay sa kaniya ni Sen. Kiko Pangilinan matapos magkainitan ang dalawa sa Senate plenary session nitong Martes, Mayo 12, matapos pagtalunan ang tungkol sa warrant of arrest laban kay Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa.
Inilahad ni Padilla ang aniya’y magandang pagresponde ng Commission on Human Rights (CHR) sa inabot ni Sen. Bato matapos muling magpakita sa Senado at makaranas ng "pakikipaghabulan" sa mga nagtangkang humuli sa kaniya, mula sa agents ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) sa kasong crimes against humanity bilang umano'y co-perpetrator ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Pero nag-point of order si Pangilinan at sinabing ipagpaliban na munang pag-usapan ang tungkol kay Sen. Bato upang mas mapag-usapan na nila ang iba pang mga usapin.
Bagay na pinalagan naman ni Padilla, subalit mabilis namang sinabi ni Pangilinan na nasa kaniya pa ang floor para magsalita.
“I still have the floor! And for the record Mr. President, we voted against Resolution No. 44, so to say that we have this resolution yes, but there are senators who voted against it, and therefore it is not necessarily our agreement with the points being raised by the good senator from Camarines Norte,” anang Sen. Kiko.
Inireklamo naman ni Padilla ang umano'y paninigaw sa kaniya ni Pangilinan.
Sinuspinde naman ni Senate President Alan Peter Cayetano ang sesyon dahil sa tensyon sa pagitan ng dalawang senador.
Samantala, nahagip naman sa mga kuhang video na nagtangkang lapitan at kamayan ni Sen. Kiko si Sen. Robin subalit hindi nagpaunlak ang huli.
Maki-Balita: Sen. Robin, Sen. Kiko nagkainitan matapos pag-usapan inabot ni Sen. Bato sa Senado