Pinasalamatan ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Rear Admiral Jay Tarriela si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa pag-uutos nitong bigyan Philippine names ang aabot sa 131 maritime features sa Kalayaan Island Group (KIG), Palawan, at West Philippine Sea (WPS).
Alinsunod ito sa Executive Order (EO) 111 ng Pangulo na inissue noong Marso 26 at na-release noong Martes, Marso 31, 2026, kung saan magbibigay ang pamahalaan ng Philippine name sa aabot sa 131 maritime features na matatagpuan sa KIG, Palawan, at WPS base sa rekomendasyon ng National Maritime Council (NMC).
Ayon naman sa naging pahayag ni Tarriela sa kaniyang social media platform nitong Miyerkules, Abril 1, 2026, nagawa niyang magpasalamat kay PBBM.
Ani Tarriela, totoo raw na pagmamay-ari ng Pilipinas ang WPS at hindi umano kailanman ipamigay ang KIG.
“Maraming Salamat po, Pangulong Bongbong Marcos!” pagsisimula niya.
Screenshot mula sa post ni Tarriela.
“Tunay pong atin ang West Philippine Sea at dapat po nating tindigan ang Kalayaan Island Group at kahit kailanman ay hindi dapat itong ipamigay!” pagtatapos pa niya.
Kaugnay nito, matatandaang nagawang patutsadahan ni Tarriela ang mga Pilipinong tila mas masahol pa raw sa hayop dahil sa pagdududa ng mga ito sa legal na batayang nagpapatibay sa WPS.
Sa Facebook post ni Tarriela noong Marso 13, 2026, sinabi niyang tila raw mas masahol pa sa hayop ang isang Pilipino, anoman ang katayuan nito sa lipunan, na nagpapalabo sa usapin sa WPS at nagdududa sa legal na batayang nagpapatunay na sa Pilipinas ang karagatang ito.
“Subalit kung ikaw ay Pilipino kung nasa publiko man o pribado at pinalalabo mo ang usapin sa WPS at pinagdududahan mo ang ating legal na batayan ay mas masahol ka pa sa hayop,” pagtatapos niya.
KAUGNAY NA BALITA: 'Pinagdududahan mo legal na batayan, masahol ka pa sa hayop!'—PCG Spox Tarriela
KAUGNAY NA BALITA: PCG spox Jay Tarriela, narating posisyon nang walang backer