May 22, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

Resibo ng trabaho: Alamin mga website para bisitahin mga nagawa ng binoto mong politiko

Resibo ng trabaho: Alamin mga website para bisitahin mga nagawa ng binoto mong politiko
File Photo

Kagaya ng talamak nang sinasabi ng marami, ang publiko ang may kapangyarihang pumili ng mga opisyal na kanilang iluluklok sa posisyon sa gobyerno at mamamahala mula sa pang-lokal na pamayanan hanggang sa buong Pilipinas. 

Ngunit sino-sino nga ba ang may panahong bumisita at magmatyag sa mga record o tala ng mga nagawa o nagagawa ng mga binoto nilang opisyal? 

Masyadong abala ang mga Pilipino para humanap ng pangkabuhayan at maipapakain sa kanilang sarili at mga pamilya sa halip na magbuhos ng enerhiya sa mga kinikilos ng mga politiko. 

Sa kabilang banda, trabaho ng gobyerno at ng mga bumubuo nito na bawasan ang mabibigat na bagaheng binubuhat ng mamamayan sa pang-araw-araw nilang pamumuhay bunsod ng maraming krisis na kinakaharap ng bansa, partikular sa krisis ng kahirapan, pagtaas ng mga presyo ng bilihin, mababang suweldo, edukasyon, unemployment, at marami pang iba. 

Sa ganitong pagkakataon, mahalagang malaman ng marami na ipinagdiriwang tuwing Mayo 19, taon-taon, ang selebrasyon ng “National Your Elected Officials Day.”

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Layunin ng selebrasyon na ito na mapalawig ang kamalayan ng marami sa mga nagawa ng iniluklok nilang opisyal sa gobyerno, magbigay ng paalala na mahalagang maintindihan ang mga platapormang ipinatupad ng kanilang mga binotong opisyal sa gobyerno, at makisangkot sa mga gawaing iniimplementa ng mga lokal at maging pang-nasyonal na pamahalaan. 

Kumusta na ba ang naging panunungkulan ng binoto nilang politiko? Paano nga ba nila makikita ang naging mga trabaho ng isang opisyal ng gobyerno mula sa pinakamataas na posisyon sa bansa, miyembro ng mga kapulungan ng Kongreso, hanggang sa mga opisyal na bahagi ng lokal na pamahalaan na kanilang binigyan ng boto noong nakaraang halalan?

KAY PANGULONG BONGBONG MARCOS JR.

Maaaring makita ang mga isinagawa at isinulong na trabaho ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa website niyang “The Marcos Jr. Legacy

Nakatala dito ang mga ginawa niyang trabaho bilang Pangulo ng Pilipinas mula sa mga kategoryang tungkol sa climate action, pakikipagdiplomasya, digital transformation, ekonomiya, food security, sistema sa kalusugan, Overseas Filipino Workers (OFW) welfare, peace and order, at social welfare development. 

Nakatala rin dito ang mga isinagawa niyang State of the Nation Address (SONA) mula noong 2022 hanggang 2025. Pati na rin koleksyon ng lahat ng mga lumalabas na ulat mula sa mga mainstream media tungkol sa mga ginagawa ng Pangulo. 

KAY VICE PRESIDENT SARA DUTERTE

Para naman sa nagawa ni Vice President Sara Duterte, maaaring bisitahin ang website ng Office of the Vice President. 

Dito nakatala ang nagawa ng kanilang mga programa na Libreng Sakay Program, The PagbaBAGo: A Million Learners and Trees Campaign, Rice program, Mag Negosyo Ta ‘Day, You Can Be VP" Program, Pansarap Project, Burial Assistance, Medical Assistance, at iba pa. 

Maaari ring makita sa mga inaupload na kaganapan ni VP Sara sa kaniyang Facebook page at ng OVP ang mga pinupuntahan niyang lugar para magpaabot ng tulong. 

SA MGA SENADOR

Para naman masiyasat ang mga naisulong at naipasang batas ng mga senador, maaaring pumunta sa website ng Senate of the Philippines at pindutin lamang ang kategorya ng “Senators” patungo sa “20th Congress Senators.” 

Sa parteng ito ng website, maaari nang makita ang profile ng kasalukuyang mga senador ng Pilipinas at ang kanilang mga authored bills, co-authored bills, authored resolutions, co-authored resolutions, at mga naipasang bill para ganap itong maging batas. 

SA MGA MIYEMBRO NG KAMARA 

Maaari namang pumunta sa website ng House of the Representatives upang personal na alamin ang mga pangalan at miyembro ng district representatives, party-lists, at masiyasat ang kalagayan ng mga ipinapasa nilang house bills. 

Sa kategorya ng “House Members” ng naturang website, doon makikita ang larawan at pangalan ng mga miyembro ng Kamara. 

Sa pamamagitan ng pag-click ng “view profile” sa ibabang parte ng kanilang pangalan, maaari nang malaman kung ano-ano ang mga nasulat at na-co-authored bills sa panahon ng kanilang panunungkulan. 

SA LOKAL NA MGA PAMAHALAAN

Hindi na rin lingid sa kaalaman ng publiko ngayon na marami nang paraan ang Local Government Units (LGU) ng bawat mga munisipalidad para maipakita sa mamamayan ang nagagawa nilang mga trabaho. 

Maaaring subaybayan ang kanilang mga Facebook page at iba pang social media platforms depende sa bayan kung saan sila nakatira. 

Tiyak din na mayroon nang mga social media platforms ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan upang magpaabot ng mga balita at ipakita ang kanilang mga nagagawa sa kanilang mga nasasakupan. 

Bilang mamamayan at nagbibigay ng buwis sa gobyerno, sanayin ang sariling maging mapagmatyag sa mga politikong binoto mo noong nakaraang halalan. 

Alamin kung nagtatrabaho ba ang mga opisyal na ito at maipagmamalaki n’yong sinuportahan n’yo sila o isa lang ang mga ito sa mga nagiging sanhi ng paghihirap ng marami sa bansa.