“Naloko si nanay ng fake 1k at sinuklian niya ng 900.”
Viral ngayon sa social ang post ng uploader na si Dorry tungkol sa isang Aling nagbebenta ng sili at binayaran ito ng pekeng ₱1,000 ng hindi pa nakikilalang babae.
Sa kasalukuyan, umabot na sa mahigit 1.5 million views at 146.4K comments ang naani ng naturang post ng uploader dahil sa malungkot na sinapit ng Aling nagtitinda ng sili.
Ayon sa kamakailang inupload na video ni Dorry sa kaniyang Tik Tok account, mapapanood ang patuloy na pagkukumpuni ng kariton at mga paninda ni Aling Clarita habang maririnig na pinag-uusapan nila sinapit ng huli mula sa mapang-abusong ekstrangherong babae na bumili sa kaniya ng sili.
“Bumili ng halagang 100 na sili at iiwan niya raw saglit yung babae na may kasamang anak, may kasabay kasi siyang bumili kaya hindi napansin agad,” pagsisimula ni Dorry sa caption.
Screenshot mula sa Tik Tok post ni Dorry.
Ani Dorry, si Aleng Clarita lang daw ang bumubuhay sa sarili nito at marami pa raw itong pinapakain sa kabila ng kaniyang edad at totoo raw na napakahirap kumuha ng puhunan sa pagtitinda sa panahon ngayon.
“Pagod at puyat tapos napakatumal pa ngayon, 1k plus lang benta ni nanay and sa totoo lang napakalaking puhunan pa at maliit lang ang tubo niya sa mga paninda, para lang may pang-ikot siya sa pang-araw-araw dahil marami siyang pinapakain at siya lang bubuhay sa sarili niya, ni hindi nga siya nagpapahinga at laging magdamag nagtitinda,” anang uploader.
Diin ni Dorry, alam daw ng buong mga taga-Ylaya, Tondo, na matulungin si Aling Clarita kaya agad daw nilang hinabol ang babaeng nanloko sa matanda ngunit bigo nila itong matunton.
“At isa pa, matulungin si nanay, alam 'to ng mga taga-Ylaya. Hinabol ko pagkatapos naming malaman, ilang minutes pa lang pero wala na siya kung saan-saan na ako tumakbo kasi naaawa talaga ako kay nanay,” aniya.
“F**k government, bakit nga ba nauso na naman 'yung ganito? Walang hiya, sarili pa niyang anak dala-dala. Matanda pa ang niloko mo!” pagtatapos pa ng uploader.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Dorry nitong Martes, Mayo 19, sinabi niyang bandang 5:00 daw ng umaga nang lokohin si Aling Clarita ng babaeng bumili ng isang tumpok na sili at magbayad sa matanda ng pekeng ₱1,000.
Ani Dorry, hindi raw kasi napansin ni Aling Clarita na peke ang binayad ng ekstrangherong babae dahil sa tuwa ng matanda na may bumili ng isang tumpok ng sili sa kaniya.
“Hindi niya napansin dahil sa sobrang tuwa niya na may bibili ng tumpok niya na sili sa halagang 100 and may kasabay din po na bumili kaya hindi niya na rin tiningnan pa nang maigi lalo na hindi niya rin po napansin dahil mukha talagang totoo ‘yong pera,” pagkukuwento ni Dorry.
Saad ni Dorry, nakita na lang daw nilang tulala at naiiyak si Aling Clarita nang makabalik sila sa pagtatangkang hanapin ang babaeng nanloko rito.
“Pagkakita ko po sabi niya peke raw ‘yong binayad nag-try ako na habulin kaso wala na, pagkabalik ko nakita ko si nanay naiiyak na tulala,” aniya.
Pagpapatuloy naman ni Dorry, hindi na raw nila nahanap ang manlolokong bumili kay Aling Clarita ngunit marami raw ang nagpaabot ng tulong sa matanda matapos mag-viral ang kaniyang post sa social media.
“Hindi po nahanap and marami na raw po naloko ‘yon nung napagkalat na po ‘yong nangyari kay nanay,” kuwento niya.
“Marami na po tumulong. Nakapamili na siya and mapapa-ayos na ‘yong kariton niya,” pagtatapos pa niya.
Sa iba pang post ni Dorry sa kaniyang profile, sinabi niyang may sarili na raw account si Aling Claita at maaari itong bisitahin ng publiko: @Clarita Bartolome.