Opisyal nang nag-convene ang impeachment court ng Senado nitong Lunes, Mayo 18, kaugnay ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa pagbubukas ng session, nanumpa ang 23 senador upang magsilbing mga husgado sa pag-usad ng impeachment sa Bise Presidente dahil sa iba’t ibang alegasyon kabilang ang betrayal of public trust, paglabag sa konstitusyon, graft and corruption, at panunuhol.
Sa kabila ng mataas na tensyon, makikita rin ang pulang impeachment trial robe na isinuot ng mga senador bago magsimula ang kanilang pagpupulong.
Dahil dito, ano nga ba ang simbolismo ng robe na ito sa paglilitis?
Ayon sa iba’t ibang ulat, ang Oxford crimson robes ay unang isinuot sa senado noong impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona noong 2012.
Sinisimbolo nito ang paninindigan ng mga mambabatas sa katotohanan at hustisya bilang mga mahistrado sa kasagsagan ng paglilitis.
Saad pa sa mga ulat, ang impeachment robes na ito ay iminungkahi ng pumanaw na si dating Sen. Miriam Defensor-Santiago, nang siya ay maging hukom sa International Criminal Court (ICC) upang mas maging pormal ang tingin sa mga senador.
Ang kulay namang Oxford crimson ay dahil sa opisyal na kulay ng Senado.
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, kada robe ay umaabot sa ₱7,000, na parte ng budget sa impeachment ni Duterte.
KAUGNAY NA BALITA: Bakit ba hindi nagsuot ng impeachment robes ang mga senador na ito?