May 18, 2026

Home FEATURES

May bakuna na ba para magamot o makaiwas sa HIV?

May bakuna na ba para magamot o makaiwas sa HIV?
Photo courtesy: Unsplash


Magpasahanggang ngayon, isa pa rin ang Human immunodeficiency virus (HIV) sa mga karamdamang pinoproblema ng maraming tao hindi lamang sa Pilipinas, kung hindi maging sa buong mundo.

Noon ngang 2024, aabot sa humigit-kumulang 41 milyong indibidwal ang mayroong HIV, kung saan 1.4 milyon sa mga ito ay pawang 14 taong gulang pababa, batay sa datos na inilabas ng World Health Organization (WHO).

Pero ano nga ba ang mekanismo sa likod ng sakit na HIV?

Base sa artikulong mababasa sa pahinang HIV Gov, ang HIV ay isang karamdamang pumupuntirya sa “cells” ng katawan na lumalaban kontra sa impeksyon at sakit.

Dahil ito ang inaatake ng HIV, humihina ang katawan ng taong may ganitong sakit at bumababa ang kapasidad niyang labanan ang virus.

Nakukuha ito sa iba’t ibang paraan: pakikipagtalik sa taong may HIV, gatas ng inang may HIV, paggamit ng hiringgilyang nagamit ng HIV patient, at pagpasa ng bodily fluids ng taong may HIV (blood, semen, vaginal fluids, rectal fluids).

May bakuna na ba para sa sakit na ito?

Ayon sa parehong source, wala pang bakuna sa ngayon ang sakit na HIV. Gayunpaman, patuloy pa rin ang pag-aaral ng mga eksperto upang makabuo nito—para sa mga may HIV at para sa mga taong wala nito.

“No. There is currently no vaccine available that will prevent HIV infection or treat those who have it. However, scientists are working to develop both types,” mababasa sa artikulo.

Kaugnay nito, may ilang mga gamot naman na maaaring ikonsidera na may kaugnayan sa paglaban sa sakit na HIV.

Ayon sa STD Hub, nariyan ang PrEP o pre-exposure prophylaxis na isang “revolutionary tool” na ginagamit upang labanan ang risk ng HIV. 

Ang PrEP ay pinapababa sa halos 99% ang risk ng HIV mula sa pakikipagtalik, lalo na kung gagamitan o dadagdagan pa ng ibang preventive measures tulad ng condoms.

Ayon pa sa STD Hub, mas mapoprotektahan ang isang tao kontra-HIV kung sabay nitong ginagamit ang PrEP at condoms.

MAKI-BALITA: ALAMIN: Paano ka pinoprotektahan ng PrEP at condom kontra HIV at AIDS?-Balita

Isa man itong katakot-takot na sakit, ang kaalaman patungkol dito ay ang pinakamalakas na depensa upang maiwasan ang sakit na HIV.