May 22, 2026

Home FEATURES Trending

#BalitaExclusives: ‘Literal na dumilim ang paligid!’ Singing performance sa Tarlac, nasaktuhan ng rotational brownout!

#BalitaExclusives: ‘Literal na dumilim ang paligid!’ Singing performance sa Tarlac, nasaktuhan ng rotational brownout!
Photo courtesy: Mark Mercado (FB screenshot)

Sumakto sa oras ng rotational brownout ang performance ng contestant sa isang singing contest sa Tarlac kamakailan bunsod ng mababang supply ng kuryente sa iba’t ibang parte ng bansa. 

Mapapanood sa ngayo’y viral video ng contestant na si Mark Mercado na hindi pa niya natatapos ang unang parte ng napiling kanta na “Bulag, Pipi, at Bingi” ni Freddie Aguilar, namatay na agad ang kuryente sa buong venue, noong Biyernes, Mayo 15. 

Ang kinatuwa pa ng netizens, swak sa kinanta niyang lirikong, “madilim ang 'yong paligid…” ang pagkawala ng kuryente. 

Kaya caption niya, “Pambihira HAHAHAHA Literal na dumilim ang paligid. Thanks to  NGCP at Tarelco Uno, sinakto pa talagang ako yung kumakanta e. ” 

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Mark, ibinahagi niyang halos dalawang oras ang itinagal ng brownout sa kanilang lugar. 

Trending

Pinoy Guinness World Record holder, personal na kinilala ni PBBM

Dahil dito, nalungkot at kinabahan siya dahil baka raw makaapekto ang naging insidente sa kaniyang performance. 

“Okay lang naman po, nalungkot, kinabahan hahaha inisip ko baka makaapekto sa performance ko yung pagkabrownout,” kuwento ni Mark. 

Sa kabila nito, itinuloy pa rin naman ang contest matapos ang pagkawala ng kuryente, at laking tuwa ni Mark ng siya ang itanghal bilang “Grand Champion.” 

“And luckily, yun ngaaa worth the wait. Haha” hindi makapaniwalang saad ni Mark. 

Bukod sa nag-viral na pagkanta sa “The Voice of Estipona 2026,” isa rin siya freelance musician at madalas siya sa gigs, cafe, resto, at events tulad ng kasal at birthdays. 

Kapag hindi naman kumakanta, si Mark ay nagtuturo sa eskwelahan dahil siya ay isang full-time public school teacher at bagama’t nagsimula siyang sumalis sa contest noong 15 taong gulang pa lamang siya, hindi na niya ito muli natuloy-tuloy at sinusubukan na lamang niya muli.

Isa pa ay sinusulit lamang daw niya ang bakasyon bago sila muling mag-back to school. 

Sa kasalukuyan, pumalo na sa 9.8K ang engagement ng post ni Mark sa Facebook.