Nagbigay ng matinding depensa si Sen. Robin Padilla para kay Sergeant-at-Arms Mao Aplasca kasunod ng naganap na kaguluhan sa Senado noong nakaraang linggo.
Sa isang Facebook post, iginiit ni Padilla na si Aplasca umano ang naging dahilan upang maiwasan ang mas malalang insidente at pagkawala ng buhay sa loob at labas ng Senado.
“Ang taong ito ang nagsagip sa mga buhay ng nasa loob at labas ng Senado,” saad ni Padilla.
Ayon sa senador, naging mahalaga umano ang pagpapaputok ng warning shot ni Aplasca gayundin ng National Bureau of Investigation (NBI) upang mapakalma ang sitwasyon at maipakitang hindi magkaaway ang dalawang panig.
“Ang warning shot niya at warning shot ng NBI ang nagpakalma ng sitwasyon at nagpatunay na friendly forces sila pareho at nagkulang sa tamang koordinasyon at komunikasyon ang kanilang mga pinuno,” paliwanag ni Padilla.
Dagdag pa niya, hindi umano nanaig ang matinding emosyon o “combat high” ng magkabilang panig kaya nauwi pa rin sa mapayapang pagtatapos ang kaguluhan.
“Hindi pinairal ng 2 panig ang combat high kaya’t nauwi sa mapayapang pagtatapos ng kagulohan,” ani niya.
Nagpasalamat din si Padilla na walang nasawi sa nangyaring insidente.
“Alhamdulillah walang nasakripisyo na buhay sa kalitohan na ito,” saad pa ng senador.
Photo courtesy: Screenshot from Robin Padilla (FB)
Kalakip ng kaniyang post ang pagpupugay kay Aplasca gamit ang military salute emoji at pagtukoy rito bilang “M/Gen Mao Aplasca.”
Batay sa Senado, ang OSAA ay "responsible for the security and maintenance of order in the Senate in accordance with the orders of the Senate President or Secretary."
"It provides physical and logical security for the members of the Senate and their staff, offices of the Secretariat and all properties located within its premises," dagdag pa.
Pinatawan ng Office of the Ombudsman si Aplasca ng anim na buwang preventive suspension nang walang sahod, matapos ang insidente sa Senado, nang tangkain umanong dakpin si Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa dahil sa arrest warrant nito mula sa International Criminal Court (ICC).
Maki-Balita: Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca, suspendido ng 6 na buwan—Ombudsman
Sa kasalukuyan, patuloy pa ring pinag-uusapan online ang nangyaring tensyon sa Senado, kabilang ang usapin ng koordinasyon ng mga law enforcement agencies at seguridad sa loob ng institusyon.