Inanunsyo ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla sa publiko ang pagpapataw nila ng anim na buwan na preventive suspension kay acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca kaugnay sa naganap na kaguluhan sa Senado noong Miyerkules, Mayo 13, 2026.
Ayon sa isinagawang press conference ni Remulla nitong Biyernes, Mayo 15, 2026, sinabi niyang pinirmahan na raw niya ang rekomendasyong nagpapataw ng nasabing suspensyon kay Aplasca.
“There was a recommendation and I signed for six months preventive suspension of the acting Sergeant-at-Arms of the Senate Mao Aplasca for what happened on the other night,” pagsisimula niya.
Paliwanag ni Remulla, layunin daw ng pagsususpinde nila kay Aplasca na mapadali ang kanilang imbestigasyon sa naganap na insidente sa Senado.
“It is a preventive suspension meant to make things easier for us to get to the bottom of things,” paglilinaw niya.
Ani Remulla, kinakailangan daw kasi nilang mapag-aralan ang buong naganap na insidente sa Senado mula noong gabi ng Miyerkules hanggang sa makatakas si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa protective custody ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA).
“Kinakailangan kasing mapag-aralan ‘yong pangyayaring naganap sa Senado no’ng 13 ng Mayo, noong gabi, noong madaling-araw, kahapon… kung saan nagkaputukan at tila tumakas sa protective custody ng Senado si Senator Bato dela Rosa na merong warrant of arrest galing sa ICC,” diin ng Ombudsman.
“Kinakailangang kumilos tayo sa bagay na ito,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na reaksyon, tugon, o pahayag si Aplasca kaugnay sa desisyong ito.
KAUGNAY NA BALITA: Senate sergeant-at-arms Mao Aplasca, tinangging 'staged' putukan sa Senado!
KAUGNAY NA BALITA: 'Magpaliwanag sa publiko!' Sen. Win umapela kay SP Alan, OSAA ng Senado tungkol kay Sen. Bato