Nanawagan si Sen. Sherwin Gatchalian sa pamunuan ng Senado at sa Office of the Sergeant-at-Arms na magbigay ng malinaw na paliwanag hinggil sa mga kumakalat na ulat na umano’y nakatakas na si Sen. Ronald "Bato" dela Rosa matapos ang kontrobersyal na insidente sa Senado noong Miyerkules, Mayo 13.
Sa isang pahayag, sinabi ni Gatchalian na mabigat ang usap-usapan ukol sa umano’y pagtakas ni dela Rosa kaya mahalagang linawin agad ng Senado ang tunay na sitwasyon upang maiwasan ang pagkalito at haka-haka ng publiko.
“Mabigat ang ugong sa mga balita na nakatakas na si Sen. Bato Dela Rosa,” ani Gatchalian.
Dahil dito, mariin niyang hinikayat ang liderato ng Senado, kasama ang Sergeant-at-Arms, na magsalita at ipaliwanag kung may katotohanan ba o wala ang mga kumakalat na ulat.
“Mariing nananawagan ako sa liderato ng Senado kasama ang Sergeant-at-Arms na magpaliwanag sa publiko kung totoo o hindi totoo ang lumalabas na balita,” dagdag pa niya.
Photo courtesy: Screenshot from Win Gatchalian (FB)
Ang panawagan ng senador ay kasunod ng tumitinding kontrobersiya kaugnay ng mga pangyayari sa Senado, kabilang ang mga ulat ng tensyon, umano’y presensya ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI), at isyu hinggil sa umano’y warrant laban kay Dela Rosa.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang Senado ukol sa umano’y pag-alis o kinaroroonan ni dela Rosa. Samantala, patuloy namang inaabangan ng publiko ang paglilinaw ng mga opisyal ng Senado kaugnay sa mga nangyari sa loob ng institusyon.