Pinabulaanan ni Senate sergeant-at-arms Mao Aplasca sa publiko na “staged” o planado ang mga nangyaring kaguluhan sa Senado noong gabi ng Miyerkules, Mayo 13, 2026.
Matatandaang nagulantang ang publiko at mga media na nasa loob ng Senado noong Miyerkules nang umalingawngaw ang magkakasunod na putok ng baril mula sa mga miyembro ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) at National Bureau of Investigation (NBI).
Pagkatapos nito, napaulat na matagumpay na nakalabas at nakaalis ng Senado si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa kabila ng pagtugis sa kaniya ng mga awtoridad dahil sa inilabas na warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya.
KAUGNAY NA BALITA: 'The Senate was under attack!' SP Cayetano, tinaasan ng boses nagtanong sa pamamaril sa Senado
Ayon naman sa naging paglilinaw ni Aplasca sa panayam sa kaniya ng media noong Huwebes, Mayo 14, mariin niyang itinangging planado raw ang mga naganap na kaguluhan sa Senado dahil hindi naman daw niya magagawang personal na papuntahin ang mga opisyal ng NBI.
“Unang una, mahirap naman po atang paniwalaan na staged itong situation o nangyaring kaguluhan sa Senado,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Dahil hindi ko pa naman pong gawing i-staged ‘yong pagpunta ng mga NBI dito sa Senado.”
Ani Aplasca, wala naman daw magaganap na kaguluhan sa Senado kung una pa lang ay hindi na pumunta ang NBI.
“Unang una, kung hindi po pumunta ‘yong NBI agents po dito, wala pong mangyayaring kaguluhan o putukan,” aniya.
Paliwanag naman ni Aplasca, ipinag-utos daw sa kanila ni Senate President Alan Peter Cayetano na bigyan ng protective custody si Dela Rosa at may karapatan daw ang huli na umalis sa proteksyon nila anomang oras.
“Liwanagin ko lang, katulad po ng sinabi ng Senate President, ‘yong privilege po ng protective custody ay binigay po ng Senate kay Sen. Dela Rosa for him to avail,” diin niya.
“Pero kung ayaw na po niyang mapasailalim ng protective custody ay may karapatan naman siya na umalis kung ayaw na niya,” pagtatapos pa niya.
Sa kasalukuyan, wala pa namang lumalabas na impormasyon tungkol sa kinaroroonan na ngayon ni Dela Rosa.
KAUGNAY NA BALITA: SP Cayetano sa pag-alis ni Sen. Dela Rosa sa Senado: 'There's no warrant. He's free to go'