Hindi napigilang magtaas ni Senate President Alan Peter Cayetano sa pagsagot niya sa tanong ng isang mamamahayag kung maikokonsidera ba raw niyang inatake ang Senado sa naganap na pagpapaputok ng baril sa loob nito noong gabi ng Miyerkules, Mayo 13, 2026.
Ayon sa isinagawang press conference ni Cayetano nitong Huwebes, Mayo 14, nagawang tanungin ng isang reporter ang senador kung maituturing ba raw na pag-atake sa Senado ang naging palitan ng putok ng mga awtoridad kung saan nanggaling sa Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ang warning shot na nagmitsa sa kaguluhan.
“SP, do you considered it as an attack when you mentioned marami na po ang nagsabi na una pong nagpaputok ang OSAA hindi ‘yong sa kabilang side?” urirat sa senador.
Pabalik ng kuwestiyon ni Cayetano, hindi ba raw maituturing na pag-atake kung halimbawang may pumasok, nanutok, at nagpaputok ng baril sa loob ng bahay ng isang indibidwal.
“Kung tututukan kita ng baril, papasukin ko bahay mo na may baril ako, nag-warning shot ka pinutukan kita pabalik, is it not an attack?” buwelta niya.
Diin pa niya habang pinupukpok niya ang mesa at nagtaas ng boses, “Sorry, ha. But I don’t think there’s any question. The Senate is under attack—was under attack.”
Ani Cayetano, nalagay raw ang buhay ng lahat ng mga mamamahayag na nasa Senado noong Miyerkules kaya tila raw nakakainis kung tatanungin pang hindi inatake ang mataas na kapulungan ng Kongreso.
“All of you. Your life were in danger last night. I know it’s your job to ask a question but you will tell me kapag may nagpaputok ng warning [shot], hindi under attack ‘yon?” patutsada niya.
Dagdag pa niya, “My God. We are a democracy. This is the Senate of the Philippines. Please naman.”
Pagpapatuloy niya, una raw maapektuhan ang media kung mawawalan ng demokrasya ang Pilipinas at ,alabo raw na gumawa lang sila ng eksena dahil abala sila sa Senado at pagtanggap ng articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte
“Excuse me, ha. I’m not taking any offense to the question. But if you have any doubt, you are doubting our democracy, you’re not doubting my democracy,” pagtatapos pa niya.
Kaugnay nito, nauna na ring kumpirmahin ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro nito ring Huwebes na ang miyembro daw ng OSAA ang unang nagpaputok sa Senado dahilan para maalarma ang mga opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI).