May 22, 2026

Home FEATURES Human-Interest

Mga ‘red flag’ na paraan ng pangungumusta kapag may family gathering!

Mga ‘red flag’ na paraan ng pangungumusta kapag may  family gathering!
Photo courtesy: Pexels

Ang reunion at iba pang pagtitipon sa mga pamilya ay panahon upang muling magkita-kita ang bawat isa matapos ang ilang buwan, taon, o dekada ang makalipas. 

Habang layon nitong pagbuklurin ang pagsasamahan, maaari itong pagmulan ng kasiyahan o stress, depende sa bating sasabihin o paano ito sasabihin ng mga tiyuhin at tiyahin, mga ninong at ninang, o mga pinsan na kasing-edad. 

Dahil dito, narito ang ilan sa mga bating kadalasang naririnig sa mga kaanak tuwing may mga pagtitipon: 

“Kailan ka mag-aasawa?”

Sa dami ng itinatanong ng mga nakakatanda sa pamilya, hindi nawawala ang love life lalo na kung alam nilang may trabaho na ang kanilang apo, pamangkin, o inaanak. 

Human-Interest

‘Okay ka lang?’ Mga paraan upang ‘mangumusta’ sa kaibigan o katrabaho

Ito’y dahil para sa maraming pamilya, ang susunod na milestone sa buhay ng isang kaanak matapos itong makapagkolehiyo ay ang pag-aasawa at pagbuo ng sariling pamilya. 

Iba pa sa variation ng tanong na ito ay ang, “bakit single ka pa?” o kaya’y “kailan kayo mag-aanak?” Kapag mayroon naman nang asawa ang tinatanong. 

“Bakit gano’n ‘yung mga post mo sa Facebook?” 

Kadalasan itong itinatanong ng mga tita/tito o ninong/ninang na active sa social media at tila ang daming time na mag-comment at mag-react sa bawat post. 

Minsan din, naitatanong ito kung ang pamangkin o inaanak ay nagpo-post tungkol sa isyung politikal, relihiyon, o kaya’y mga sarili niyang pananaw na iba sa kultura ng pamilya. 

“Grabe, lumobo/tumaba ka!” 

Ito ang kadalasang bungad ng mga nakatatanda sa kanilang mga “baby” sa pamilya, anumang edad nito. 

Hindi ito kadalasang masakit, dahil kung minsan, ito’y lambing na rin. 

Ngunit may ilan na sinasamahan pa ito ng tono ng panlalait kaya may ilang mga kabataan sa pamilya na pinipili na lamang ngumiti o magbiro upang gumaan ang “ambiance” sa family gathering. 

“Bakit ang kaunti mo lang kumain? Diet ka?” 

Kadugtong ito ng tanong na, “tumataba ka ata?” 

Habang mukhang magulo dahil konektado ito sa pagdagdag ng timbang, para sa mga nakakatanda, pagkain ang kanilang “love language.” 

Kaya kung minsan, maraming “sharon” ang bawat isa matapos ang family gathering. 

“Tingnan mo si [pangalan ng pinsan o malapit na kaibigan], ang layo na ng narating sa buhay…” 

Kung may mga pahapyaw na pang-iinsulto, ito ang maituturing na “KO move” ng maraming kabataan dahil dito, kinukumpara sila sa ibang pinsan o kaibigang ka-edad nila.