Posible umanong makaranas ng malalakas na bagyo ang Pilipinas mula Hunyo hanggang Agosto ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kaya pinaghahanda na ang publiko hinggil dito.
Ayon sa PAGASA, sa ulat naman ng "24 Oras" ng GMA Network, posibleng mabuo ang malalakas na bagyong ito sa pagsasanib-puwersa ng habagat at Super El Niño.
Nitong mga nagdaang linggo, kahit walang bagyo at ordinaryong thunderstorm lamang ang naranasan, agad na binaha ang ilang mga lugar sa bansa.
Nasa 92% probability raw ang pinagsamang habagat at Super El Niño at asahan daw ang heavy rainfall events, ayon sa panayam kay Ana Solmoro-Solis, hepe ng CLIMPS PAGASA.
Ayon naman kay PAGASA weather specialist Charmagne Varilla, "Ang hindi naman po maganda na maging impact dito sa western section ng bansa po natin, dahil ‘pag nasabay po ‘yan sa Habagat season, which is between June or start ng tag-ulan, ay mas ina-exacerbate or mas pinakalakas po niya 'yong Habagat,” aniya.
Dagdag pa nilang paliwanag, kahit na kakaunti ang mga posibleng dumating na bagyo sa mga buwang nabanggit, puwedeng mababagsik naman. Maaari daw malakas ang hangin o maraming ulan, o kaya naman, posibleng walang ulan o kakaunti ang ulan pero malakas ang hangin.
Kaya naman, dapat nang maghanda ang mga residenteng nasa lugar na bahain lalo pa't hindi pa raw nareresolba ang problema sa flood control projects.