Pinatutsadahan ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Rear Admiral Jay Tarriela ang mga Pilipinong tila mas masahol pa raw sa hayop dahil sa pagdududa ng mga ito sa legal na batayang nagpapatibay sa West Philippine Sea (WPS).
Sa Facebook post ni Tarriela nitong Biyerenes, Marso 13, nagawa niyang sang-ayunan ang nauna nang pahayag ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson tungkol sa kahalagahan ng pagmamahal sa Pilipinas ng Pilipino anoman ang kanilang maging anyo.
“Pilipino tayo. Mag-iba man ang ating anyo - kumulubot ang balat, mabawasan ng ngipin at malagas ng buhok - kahit tayo ay magpa-botox, magpustiso at magpeluka - Pilipinas pa rin ang ating bansa na dapat nating mahalin, itaguyod at ipangtanggol,” ani Lacson sa kaniyang “X” post.
Ayon naman sa naging tugon ni Tarriela, sumasang-ayon daw siya kay Lacson at dapat umano talagang tindigan ang WPS.
“I agree, Sen. Ping Lacson, sir. Okay lang na hindi totoo ang ating ipin, kutis at buhok ang mahalaga ay tinitindigan ang laban sa West Philippine Sea,” pagsisimula niya.
Pagpapatuloy ni Tarriela, tila raw mas masahol pa sa hayop ang isang Pilipino, anoman ang katayuan nito sa lipunan, na nagpapalabo sa usapin sa WPS at nagdududa sa legal na batayang nagpapatunay na sa Pilipinas ang karagatang ito.
“Subalit kung ikaw ay Pilipino kung nasa publiko man o pribado at pinalalabo mo ang usapin sa WPS at pinagdududahan mo ang ating legal na batayan ay mas masahol ka pa sa hayop,” pagtatapos niya.
Samantala, wala namang literal na pangalang binanggit ang dalawa tungkol sa pinatutungkulan nilang indibidwal.
MAKI-BALITA: Sen. Ping may napansin kay Sen. Marcoleta: ‘Pina-parrot lang posisyon ng China sa WPS?’
MAKI-BALITA: 'Matagal na akong nagtitimpi!' Sen. Ping, 'feel good' matapos sagutan nila ni Sen. Marcoleta