Feeling good daw si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson matapos ang naging mainit na palitan nila ng pahayag ni Sen. Rodante Marcoleta sa Senado.
Matatandaang kasing tila uminit ang tensyon sa pagitan ng dalawang senador sa ginanap na sesyon ng Senado noong Martes, Marso 10, 2026, kung saan kinuwestiyon ni Marcoleta si Lacson kung alam ba raw nito ang Administrative Order No. 29 na pinirmahan ni dating Pangulong Benigno Aquino III noong 2012.
“Alam po ba ito ni Sen. Lacson, ‘yong Administrative Order No. 29?” urirat ni Marcoleta.
“No, I don’t know Administrative Order No. 29,” sagot ni Lacson.
Suhestiyon ni Marcoleta, “Kung hindi n’yo po alam, sasabihin ko po sa inyo.”
“I don’t need to know, Mr. President. I’m not interested,” tila pagbabale-wala naman ni Lacson.
“Hindi po kayo interesado sa isang bagay na napaka-importante sa ating bansa? Hanggang ngayon, hindi mai-drawing ang West Philippine Sea. Hindi kayo interesado?” buwelta ni Marcoleta.
“Hindi po ako interesado sa sinasabi ninyo [...] Kasi po, Mr. President, ang ipapalabas na naman niya [ay] ‘yong Tsina ang may karapatan sa lugar na ‘yan. Kaya ayoko na pong marinig ‘yan. Medyo masakit na sa tainga,” patutsada ni Lacson.
Matapos nito, ayon naman sa naging pahayag ni Lacson sa panayam ng media sa kaniya nitong Miyerkules, Marso 11, 2026, sinabi niyang tila maayos na raw ang kaniyang nararamdaman at diniin niyang wala naman umano talagang ginawa si Marcoleta kundi atakihin siya.
“I feel good. Kasi it’s been quite of fun and numerous times, wala naman talaga siyang ginawa kundi i-target ako, atakihin ako, i-bad mouth ako,” pagsisimula niya.
Aniya, “Ay matagal na akong nagtitimpi.”
Kuwento ni Lacson, narinig na rin daw niya ang privilege speech ni Marcoleta noong nakaraang linggo, pinigil pa raw niya ang kaniyang sarili at pinili na lang na hindi patulan ang kapuwa senador.
“‘Yong last week privilege speech niya, I was at the launch. I was listening and talagang pinigil ko ‘yong sarili ko,” saad niya.
Dagdag pa niya, “I asked the Majority Leader, kasi magkasama kami doon, sabi ko, ‘Sagutin ko pa ba ito?’ Also upon [of] his advice, ‘yon na rin ang tingin ko, huwag na lang patulan.”
Ngunit sa kabila raw nito, muli pa raw tumirada si Marcoleta kay Lacson noong Lunes, Marso 9, 2026, kaya nagdesisyon siyang sagutin ang mga sinasabi sa kaniya ng kapuwa senador.
“Pero tumira pa rin siya no’ng Lunes. I was in my office, monitoring. So right there and then, nag-decide ako. Sabi ko, ‘enough is enough. I’ll correspond,’” ani Lacson.
“Kaya pinuyat niya ako noong gabi kasi nag-draft ako ng speech… kasama ‘yong staff ko. Umuwi nga kami, alas-dose [ng umaga], kaya mainit ang ulo ko, e,” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: Sen. Ping, pinayuhan publiko na isuplong oil companies na mananamantala ng presyo!