Nanawagan si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson sa mga motorista at mamimili na iulat sa awtoridad ang mga gasolinahang umano’y maagang nagtataas ng presyo ng petrolyo bago ang itinakdang oil price adjustment.
Sa pahayag nitong weekend, sinabi ng senador na may mga ulat na ilang gasoline station ang nagtaas na agad ng presyo ng kanilang produktong petrolyo kahit hindi pa ipinatutupad ang opisyal na price adjustment, na aniya’y labag sa umiiral na mga batas sa proteksiyon ng mamimili.
Ayon kay Lacson, maaaring lumabag ang mga establisimyentong ito sa Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998 o Republic Act No. 8479 at sa Consumer Act of the Philippines o Republic Act No. 7394.
“Amid reports that some gasoline stations have already increased prices, they must be reported to authorities,” ani Lacson sa kaniyang opisyal na X account.
Ipinaliwanag niyang ang maagang pagtataas ng presyo o ang pagtatago ng supply ng langis ay maaaring maituring na hoarding at profiteering sa ilalim ng RA 8479, gayundin bilang unfair o deceptive sales practices sa ilalim ng RA 7394.
Pinayuhan din ni Lacson ang publiko na agad iulat sa Philippine National Police (PNP) o sa kani-kanilang lokal na pamahalaan ang anumang hinihinalang paglabag.
Dagdag pa niya, inatasan na rin ni Sharon Garin, kalihim ng Department of Energy (DOE) , ang mga lokal na awtoridad at law enforcement agencies na bantayan ang mga gasolinahan at iulat ang anumang iregularidad upang maisampa ang kaukulang kasong kriminal at administratibo laban sa mga lalabag.
Binigyang-diin ni Lacson na mahalaga ang pagiging mapagmatyag ng publiko upang matiyak ang pagpapatupad ng batas at maiwasan ang mapagsamantalang pagpepresyo ng langis.
Sa ilalim ng RA 8479, ipinagbabawal ang mga anti-competitive na gawain tulad ng cartelization at predatory pricing sa industriya ng langis, habang layunin naman ng RA 7394 na protektahan ang mga mamimili laban sa mapanlinlang at hindi patas na sales practices.
Samantala, naghahanda na ang mga motorista sa posibleng malaking taas-presyo ng petrolyo dahil sa pagmahal ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado kasunod ng pangamba sa supply disruption dulot ng tensyon sa Middle East.
Batay sa paunang pagtataya, maaaring tumaas ang presyo ng kerosene ng hanggang ₱24.92 kada litro, diesel ng ₱19.62, at gasolina ng ₱10.43. Inaasahang ilalabas ng mga oil company ang pinal na price adjustment sa Lunes, Marso 9.