Noong Mayo 11, 2026, nagsimulang tumaas ang tensyon sa loob ng Senado nang muling magpakita sa publiko si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa para dumalo sa kanilang sesyon at maganap ang kudeta para mapalitan ang liderato ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Kumalat sa buong Pilipinas ang eksena ng panghahabol at tangkang pagsisilbi ng mga ahente ng NBI ng arrest warrant mula sa inisyu ng International Criminal Court (ICC) laban kay Dela Rosa bilang co-perpetrator umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa panahon ng madugong giyera kontra droga.
Mayo 13, ginulantang ng umalingawngaw na magkakasunod na putok ng baril sa Senado ang publiko mula sa mga opisyal ng Sergeant-at-Arms (OSAA) at National Bureau of Investigation.
Base sa mga ulat, madaling-araw noong Huwebes, Mayo 14, nang matagumpay na makapiglas si Dela Rosa sa bantang pagtugis ng mga awtoridad sa kaniya matapos ang naganap na putukan.
Dahil dito, hindi tuloy naiwasang manghinayang ng publiko na magiging mataas daw ang porsyento ng pagkahuli kay Dela Rosa kung si dating Philippine National Police (PNP) chief at kasalukuyan nang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III ang mangunguna sa operasyong ito.
Matatandaang si Torre, na noon ay Philippine National Police - Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) director pa lamang, ang pangunahing humuli kay FPRRD nang makauwi sa bansa ang huli galing sa Wan Chai, Hong Kong, noong Marso 11, 2025.
Agad na dinala nina Torre si FPRRD sa Villamor Air Base, Pasay City, matapos nilang salubungin ang dating Pangulo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Hanggang sa naging matagumpay ang misyon nina Torre at mga awtoridad na maihatid ang dating Pangulo sa Rotterdam Airport sa The Hague, Netherlands, at tuluyang madakip ng ICC si FPRRD.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Unang anibersaryo mula sa pagtugis ng ICC kay FPRRD hanggang sa pagdinig ng confirmation of charges
Ngunit ano-ano nga ba ang naging preparasyon ni Torre para maisakatuparan niya ang kaniyang tungkuling dakpin ang isa sa naging pinakamataas na opisyal ng Pilipinas at magiging posible nga ba ang pagkakaaresto kay Dela Rosa kung siya pa rin ang mangunguna sa operasyong ito?
Ayon sa naging pahayag ni Torre sa isang panayam sa kaniya noong Lunes, Mayo 18, sinabi niyang hindi raw siya buong makakapagsalita tungkol sa usapin ng kasong mga naganap sa Senado at Dela Rosa dahil wala raw siyang buong impormasyon kaugnay rito.
“What I can tell you differently is my experience. Pero kung compare dito sa Senado, this is something [that] will be on shaking rolls. Because I may not have the full data on this operation,” pagsisimula niya.
Ani Torre, sadyang naging sobrang handa lang daw nila noon sa pagtugis kay FPRRD dahil nagawa raw niyang makipag-ugnayan muna sa Philippine Center on Transnational Crime (PCTC) at NAIA nang matanggap niya ang kopya ng arrest warrant laban sa dating Pangulo.
“But on our part during the time [on arresting FPRRD], I was very sure that I have the warrant, I have the a copy of the warrant, we have the coordination with the PCTC, we had the run through with the NAIA personnel the day before,” aniya.
Dagdag pa niya, “We had the preparation already because we are very sure and there’s already a decision to serve the warrant to the former President upon his arrival from Hongkong.”
“Alam na namin ‘yon so napaghandaan namin at nakapag-meeting na kami ng mga units na aking gagamitin para sa implementation na ito,” paglilinaw pa niya.
Diin naman ni Torre, matagal na raw talaga niyang alam na malaki ang posibilidad na siya ang tutugis kay FPRRD bago pa man daw siya maging director noon ng CIDG kaya raw naghanda na siya noon pa mang buwan ng Enero noong 2025.
“At saka even before it was given to me formally when I was appointed as the head of the CIDG. I already know that there is a very big possibility that if there's a warrant that will come out, I will be one who will be tasked to implement it,” ‘ika niya.
Paliwanag pa niya, “Even as early as January [2025], I was prepared for it—and even without the order or even without the imprimatur ng mga boss ko ay I already anticipated that it will be given to me.”
Pagtitiyak ni Torre, malinis niya raw napagplanuhan ang pag-aresto sa dating Pangulo dahil ayaw niya raw pumalpak sa kaniyang misyon.
“Of course, if there's a mission given to me, I just don’t want to fail… I planned it properly even without the actual release of the warrant yet,” pagtatapos pa niya.
Ang punto, kung naging kaparehas kaya ng preparasyon ni Torre ang naging paghahanda ng mga awtoridad ngayon, o kung si Torre pa rin kaya ang pinuno ng PNP, gaano kataas ang tiyansang mahuli si Dela Rosa?
Ngunit diin ng kampo ni Dela Rosa at publiko, kailangan munang dumaan sa Korte ng bansa ang warrant of arrest ng ICC bago maging legal ang pag-aresto sa senador.
Sa kasalukuyan, hindi na muling nagpakita si Dela Rosa mata ng publiko at siya lang muli ang absent sa naging pag-convene ng Senado para maging Senate Impeachment Court noon ding Mayo 18 kaugnay sa impeachment case na kinakaharap ni Vice President Sara Duterte.
KAUGNAY NA BALITA: 'Mahal n'ya mga Pilipino!' Sen. Robin, 'di umalis ng bansa si Sen. Bato