Itinanggi ni Sen. Robin Padilla ang umano’y pag-alis ng bansa ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa matapos umalis sa kustodiya ng Senado noong Mayo 14, 2026.
Sa panayam ng media kay Padilla nitong Lunes, Mayo 18, dinipensahan niya si Dela Rosa at nilinaw ang isyung iniuugnay sa kaniya na nagpatakas umano sa senador.
“Hindi siya lumabas ng bansa. Eh, mahal n’ya mga Pilipino!” ani Padilla.
Inusisa naman siya ng media kung totoo ang mga ulat na naispatan silang magkasama sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at Manila Yacht Club na sumakay daw ng Yate.
“Hindi totoo yung NAIA. Hindi totoo yung yate,” giit pa ni Padilla.
Matatandaang nauna nang inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Padilla ay ikinokonsidera ng person of interest upang matunton ang kinaroroonan ni Dela Rosa na kasalukuyan na muling nagtatago magmula ng kumpirmahin ng International Criminal Court (ICC) ang arrest warrant laban sa kaniya.
"Automatic po 'yan pero sabi ko nga kung meron pong unang-unang dapat tanungin, na-identify naman na si Senator Robin Padilla yung kasama," saad ni NBI Dir. Melvin Matibag sa isang panayam kamakailan.
Paglilinaw pa niya, “Siya po yung pinaka-person of interest to shed light sa whereabouts po ni Senator Bato."
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin, 'person of interest' para matukoy kinaroroonan ni Sen. Bato—NBI
Samantala, makailang-beses namang tumangging sagutin ni Padilla ang tanong ng media kung siya nga ang kasama ni Dela Rosa na tumakas sa Senado kasunod ng naging palitan ng putok ng baril sa loob ng naturang institusyon noong Mayo 13.
Ayon kay Padilla, mas mainam daw na hintayin na lamang na lumabas ang opisyal na imbestigasyon hinggil sa naturang insidente na kinasangkutan ng Office Sergeant-At-Arms (OSSA) at umano’y mga tauhan ng National Bureau of Investigation NBI) kasunod ng ambang pag-aresto kay Dela Rosa.