Viral ngayon sa social media ang isang kabataang player sa “Laro Laro Pick” ng noontime show na “It's Showtime” dahil sa pagsasabi nitong “munisipyo” o “Malabon” ang pangalan ng makasaysayang establisyemento na “Malacañang Palace.”
Matatandaan ring tila halata noon sa mukha ng “It’s Showtime” host na si Vice Ganda ang pagkadismaya dahil sa nasabi ng contestant.
KAUGNAY NA BALITA: Nasermunan tuloy ni Vice Ganda! Laro Laro Pick player sa It's Showtime, hindi alam ang Malacañang
Matapos nito, hindi tuloy nakapagtimpi ang netizens at nanawagan sila sa Department of Education (DepEd) na mas paigtingin pa sana ang Araling Panlipunan at iba pang mga kaugnay na asignatura upang hindi makalimutan ng kabataan ang mga bagay na may kinalaman sa kasaysayan.
“Hindi na ba ito tinuturo sa primary school? Hello @DepEd_PH malala na ang educational crisis ng Pilipinas.”
“halos mainis nga ako sa contestants kanina sa #ItsShowtime. maraming hindi alam ang isasagot. basic lang lahat. nalimutan na? priority ba nila ang edukasyon?”
“yearly ba naman baguhin nang baguhin yun curriculum paano di magkakaeducational crisis. as a former DepEd teacher, laging dagdag bawas yun teaching hours sa mga subject ng AP, minsan gusto pa ihalo sa MAPEH. Laro ang DepEd!”
Saad ng ilan.
KAUGNAY NA BALITA: Educational crisis? DepEd, kinalampag dahil sa player na 'di natukoy ang larawan ng Malacañang
Upang maiwasan o hindi na masambit muli na “munisipyo” o “Malabon” ang Malacañang Palace, mahalagang balikan kung ano nga ba ang kasaysayan ng establisyementong ito at papel nito sa bansa.
Ang Malacañang Palace ay nagsisilbing tahanan ng mga opisyal at tumatayong pinuno ng Pilipinas sa loob ng matagal nang panahon. Mula sa gobernador-heneral na si Rafaél de Echagüe y Bermingham noong 1863 hanggang sa kasalukuyang Pangulo ng Pilipinas na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., maliban kay Heneral Emilio Aguinaldo.
Matatagpuan ito sa Jose P. Laurel St. sa San Miguel, Maynila at nakatayo sa may Ilog Pasig.
Noong 1750 nang unang maipatayo ng Kastilang negosyante na si Don Antonio V. Rocha ang Malacañang Palace at ginamit ito bilang bahay-pahingahan.
Nobyembre 16, 1802, nang maibenta ito sa Koronel na si José Miguel Formento sa halagang isang libo (₱1,000) at naibenta naman sa pamahalaan ng España sa halagang limang libong piso (₱5,000) noong Enero 22, 1825 nang mamatay ang nasabing koronel.
Simula nito, pansamantala na itong ginagamit ng mga gobernador-heneral noon bilang bakasyunan tuwing tag-araw.
Enero 3, 1863, natupok ng isang malakas na lindol ang Palacio del Gobernador na nakatayo noon sa Intramuros, Maynila, dahilan para ang Malacañang Palace na ang siyang ituring na tahanan ng mga gobernador-heneral.
Si Rafaél de Echagüe y Bermingham ang pinakaunang gobernador-heneral na tumuloy sa Malacañang Palace, matapos niyang mamahala noon sa Puerto Rico at pumunta sa Pilipinas.
Sunod-sunod na mga lindol, bagyo, at sunog naman ang naranasan ng Malacañang Palace sa pagitan ng mga taon mula 1869, 1875, at 1879 dahilan para magtamo ng labis na pagkasira ang establisyemento. 1880, muli itong nakaranas at naapektuhan ng isang lindol. Tinatayang aabot sa ₱22,000 ang inabot sa pagpapaayos nito noon.
1885, nang unang malagyan ng “flagpole” sa harapang bahagi nito.
Samantala, sa pagpasok ng panahon ng pananakupan ng mga Amerikano, nagsilbi ring tirahan ng mga Kanong gobernador ang Malacañang Palace.
Si Military Governor Wesley Merritt ang pinakaunang Amerikanong pinuno na nanirahan dito noong 1898 habang si Civil Governor William Howard Taft naman ang kasunod noong 1901.
Patuloy na nabago nang nabago at mas pinalawak pa ang Malacañang Palace sa pagi-pagitan ng mga panahon ng paninirahan ng sumunod pang mga Amerikanong gobernador.
Nobyembre 15, 1935, sa panahon ng Commonwealth, si dating Pangulong Manuel L. Quezon ang naging pinakaunang Pilipinong nanirahan sa Main Palace Complex ng nasabing Palasyo.
Hanggang sa sumunod pang mga naging dating Pangulo ng Pilipinas na sina Jose P. Laurel, Sergio Osmeña, Manuel Roxas, Elpidio Quirino, Ramon Magsaysay, Carlos P. Garcia, at Diosdado Macapagal.
Habang sina dating Pangulong Ferdinand Marcos, ang asawa nitong si dating Unang Ginang Imelda Marcos, at mga anak nila naman ang maituturing na pinakamatagal na nanirahan sa Palasyo mula Disyembre 1965 hanggang Pebrero 1986 nang mapaalis sila dito dahil sa nagmitsa noong EDSA People Power dulot ng Martial Law.
Matapos nito, nanirahan naman sa may bahagi na Arlegui Guest House ng Malacañang Palace ang pumalit noon kay Marcos na si dating Pangulong Corazon Aquino.
Sa Arlegui Guest House naman tumahan si dating Pangulong Fidel Ramos at sa Premier Guest House o Executive House naman ng Palasyo nanirahan si dating Pangulong Joseph Estrada.
Nang maupo naman noong 2001 si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, pinili niyang manirahan at bumalik sa Main Palace Complex kung saan ay nakatira na siya rito noon sa panahon ng panunungkulan ng kaniyang ama.
Sa Bahay Pangarap naman ng Palasyo piniling manirahan noon nina dating Pangulong Benigno Aquino III at dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kasalukuyan, naninirahan din si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa Bahay Pangarap ng Palasyo kasama ang kaniyang pamilya.
Kung susumahin, sobrang malaking papel ang ginagampanan ng Malacañang Palace mula pa man noong 1700s hanggang sa lumipas ang dalawang siglo sa panahon ng Pilipinas.
Nalampasan din nito ang rebolusyon at katapusan ng pananakupan ng mga Kastila sa loob ng mahigit tatlong siglo, panahon ng pananakupan ng mga Amerikano at sigwa ng ikalawang digmaang pandaigdig, pagdating ng mga Hapon, panahon ng Commonwealth, diktadurya ni dating Pangulong Marcos, ang lagim ng Martial Law, EDSA People Power 1 at EDSA People Power 2, madugong panahon ng war on drugs, pandemya, at tila nalimot nang usapin sa maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highway (DPWH).
Hanggang sa mapanood sa telebisyon ng isang tipikal na Pilipino sa isang noontime show na sabihin ng isang indibidwal na “Malabon” ang Malacañang.
Pero baka parte naman talaga ito ng mas malawak pang suliranin na kinakaharap ng lipunan? Hindi ba?