Sa maraming pamilyang Pilipino, hindi na lamang basta hayop ang aso at pusa o iba pang mga pet kundi itinuturing nang bahagi ng tahanan, o kapamilya.
Sila ang sumasalubong sa pag-uwi, kasama sa paglalaro, at nagbibigay saya sa araw-araw. Kaya naman kapag nanghina, nawalan ng ganang kumain, o tila may iniindang sakit sina Bantay o Muning, agad ding nag-aalala ang buong pamilya.
Ngunit may ilang pet owners na naghihintay muna ng ilang araw bago dalhin sa beterinaryo ang kanilang alaga. Minsan ay inaakalang simpleng pagod lamang ito o kusang gagaling.
Ayon sa Philippine Veterinary Medical Association (PVMA), mahalagang huwag ipagwalang-bahala ang anumang pagbabago sa kilos at kalusugan ng alagang hayop kaya kailangang dahil sila nang regular sa veterinary clinic para masuri ng mga eksperto, at malapatan ng kaukulang lunas ang iniindang sakit ng fur babies.
Ang veterinarian o beterinaryo ang doktor ng mga hayop. Sila ang may sapat na kaalaman upang suriin, magbigay lunas, at magsagawa ng tamang paggamot sa mga alagang aso, pusa, ibon, at iba pang hayop.
Tulad ng tao, kailangan din ng regular na checkup at agarang atensiyong medikal ang mga alaga.
Isa sa mga senyales na dapat nang dalhin sa beterinaryo si Bantay o Muning ay kapag ayaw nitong kumain o uminom ng tubig sa loob ng isang araw. Kapag matamlay, laging nakahiga, o hindi karaniwang malikot, maaari itong may nararamdamang sakit. Dapat ding bantayan kung may pagsusuka, pagtatae, hirap sa paghinga, ubo, sipon, o paglalaway nang labis.
Kung may sugat, pilay, bukol, o biglang pagbabago sa balat at balahibo, makabubuting magpakonsulta agad. Ang simpleng pangangati o pagkalagas ng balahibo ay maaaring senyales ng skin infection, garapata, pulgas, o allergy. Kung mapapabayaan, maaari itong lumala.
Mahalaga rin ang regular vaccination, pagbibigay ng bitamina, at deworming ng mga alaga. Ayon sa Bureau of Animal Industry, malaking proteksiyon sa hayop at tao ang pagpapabakuna laban sa rabies at iba pang sakit. Ang rabies ay mapanganib at maaaring maipasa sa tao sa pamamagitan ng kagat ng infected animal.
Hindi rin dapat basta magbigay ng gamot na pantao sa hayop. May ilang gamot para sa tao na maaaring makalason sa aso at pusa. Sa halip, kumonsulta muna sa lisensiyadong beterinaryo upang masiguro ang tamang gamot at dosage.
Sa panahon ngayon, ang pagiging responsableng pet owner ay hindi lamang pagpapakain at pagpapaligo sa alaga. Kasama rito ang pagbibigay ng wastong pangangalagang pangkalusugan. Kapag may kakaibang kilos o sintomas sina Bantay o Muning, huwag nang hintaying lumala pa.
Dahil sa huli, ang mabilis na pagpapatingin sa beterinaryo ay maaaring makapagligtas ng buhay ng isang minamahal na alaga, at isang indikasyong ng responsableng pet ownership.