April 10, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Nasermunan tuloy ni Vice Ganda! Laro Laro Pick player sa It's Showtime, hindi alam ang Malacañang

Nasermunan tuloy ni Vice Ganda! Laro Laro Pick player sa It's Showtime, hindi alam ang Malacañang
Photo courtesy: Screenshot from It's Showtime (FB)

Usap-usapan ng mga netizen ang isang kabataang player sa "Laro Laro Pick" ng noontime show na "It's Showtime" dahil hindi niya natukoy kung ano ang pangalan ng isang makasaysayang establishment na pinahulaan sa kaniya.

Ang nabanggit na makasaysayang establishment, walang iba kundi ang Malacañang Palace! 

Sa Thursday episode ng noontime show, Marso 12, bilang bahagi ng elimination round, ipinakita sa mga player ang larawan ng ilang mga lugar, kabilang na ang makasaysayang Malacañang Palace. 

Nang ipakita na ang larawan sa kaniya, tila makikita ang struggle sa mukha ng contestant na banggitin ang pangalan ng nakikita niya.

"Hindi mo nakikita 'yang larawan na 'yan?" tanong ni Vice Ganda.

Tsika at Intriga

Sey mo Dominic? Selfie nina Rico, Sue minalisya!

"Diyan namamalagi ang Pangulo," dagdag pa. "Saan namamalagi ang Pangulo?"

"Munisipyo?" natatawang sagot ng contestant.

Napahawak naman si Vice Ganda sa kaniyang lalamunan.

"Saan ginaganap 'yong mga ano, mga papiging ng Pangulo, mga ganap niya, 'yong presscon niya, saan sila nagmi-meeting?" sundot na tanong pa ni Meme.

Nagbigay naman ng clue ang co-host na si Jhong Hilario sa contestant para masambit niya ang tamang sagot.

"Mala... Mala..." sey ni Jhong.

Pero ang sinagot ng contestant ay "Malabon" hanggang sa matawa na lang siya sa sarili niya, gayundin ang madlang people audience.

Mahahalata naman sa mukha ni Vice Ganda ang tila pagkadismaya sa nabanggit na contestant.

"Naku natatawa ka pa ha, noong Martial Law, noong EDSA People Power nilusob 'yan ng mga Pilipino, 'di ba?" mahinahong paliwanag ni Vice Ganda.

"At saka nasa pera 'yan. 'Yan ay?" muling tanong ni Vice Ganda.

"Malacañang," nakangiting sagot ng contestant.

"Hayun, Malacañang, Rein. Okay? Malacañang 'yan ha? Huwag puro blush on saka highlighter sa TikTok ha?" hirit pa ni Vice Ganda.

Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.

"Umabsent siguro to sa classe mimi vice hahaha"

"sad reality huhu"

"naku may bago na namang bunot ang social media sa lalaitin"

"Jusme, Gen Z ba 'to?"

"nakakaloka... kahit sino dapat alam yan, very basic na nga lang!"

Ibinahagi naman ni Vice Ganda ang clip nito sa mismong verified Facebook account niya.

"Malacañan po yes oki? oki," mababasa sa caption.