Bago dumating ang panahon ng smartphones, video calls, at instant messaging apps, may isang henerasyong lumaki sa simpleng pag-aabang lamang ng tawag sa landline o tinatawag na "telepono."
Sa panahong iyon, sapat na ang landline upang pagdugtungin ang damdamin, pagkakaibigan, at pag-ibig. Dalawa sa pinakasikat na kulturang umusbong noon ay ang phone pal at telebabad, mga karanasang ngayon ay tila alaala na lamang ng nakaraan.
Ang telepono ay isang aparatong pangkomunikasyong ginagamit upang maipadala at marinig ang boses ng tao mula sa malayong lugar sa pamamagitan ng elektrikal o digital na signal. Sa simpleng paliwanag, pinahihintulutan nito ang dalawang tao o higit pa na mag-usap kahit magkalayo sila. Mula sa tradisyonal na landline, umunlad ito hanggang sa modernong mobile phones at smartphones ngayon.
Ang taong karaniwang kinikilalang nakaimbento ng unang praktikal na telepono ay si Alexander Graham Bell.
Gayunman, mahalagang banggitin na may iba pang imbentor na nag-ambag sa pagbuo ng teknolohiyang ito, gaya ni Elisha Gray, na kasabay halos ni Bell sa pagde-develop ng kahalintulad na aparato. Dahil dito, naging bahagi rin siya ng kasaysayan ng telepono.
Sa madaling sabi, si Bell ang pinakakilalang imbentor ng telepono, ngunit bunga ito ng pinagsama-samang pag-unlad ng agham at imbensiyon mula sa iba’t ibang tao.
Isa sa mga naging alaala sa paggamit ng telepono noon ay pagkakaroon ng phone pal at pagtetelebabad.
Ang phone pal ay maituturing na sinaunang bersyon ng online friendship o chatmate. Sa pamamagitan ng radio programs, magazine ads, o rekomendasyon ng kaibigan, nagpapalitan noon ng numero ang mga taong nais magkaroon ng bagong kakilala. Puwede ring "random" o pagpindot ng mga hinulaang numero, hanggang sa sagutin ito ng isang tao sa kabilang linya, na bukas naman sa pakikipagkaibigan.
Isang tawag lamang ay maaaring magsimula ang matagal na usapan sa pagitan ng dalawang estrangherong kalauna’y nagiging magkaibigan o minsan pa nga’y maging magkarelasyon.
Para sa maraming kabataan noon, nakakakaba ang unang pagtawag. Kailangan munang huminga nang malalim bago i-dial ang numero. Kapag may sumagot na magulang o kapatid, madalas ay nauutal pa sa pagsasabing, “Puwede po bang makausap si ano?” Ngunit kapag nagsimula na ang usapan, unti-unting nabubuo ang koneksiyon sa boses, tawa, at kuwento ng kabilang linya.
Kasunod ng phone pal culture ang tinatawag na telebabad—na sa simpleng paliwanag, ay matagalang pag-uusap sa telepono, karaniwang inaabot ng hatinggabi hanggang madaling-araw. Madalas itong ginagawa ng magkarelasyon, manliligaw at nililigawan, o matatalik na magkaibigan. Sa telebabad, walang kapaguran sa pag-uusap tungkol sa pangarap, problema, sikreto, at kahit mga bagay na walang kabuluhan.
Noon, malaking bahagi ng gabi sa maraming tahanan ang telebabad. May mga magulang na nagagalit dahil abala ang linya at hindi matawagan ang bahay. May mga kapatid na kumakatok sa pinto para sabihing tapusin na ang tawag. Ngunit para sa mga nag-uusap, tila humihinto ang oras habang hawak ang handset at nakikinig sa boses ng minamahal.
Hindi rin biro ang halaga ng telebabad. Dahil may singil ang tawag lalo na kapag long distance, marami ang nagugulat sa taas ng bill sa katapusan ng buwan. Kaya naman natutong maging madiskarte ang ilan—naghihintay ng off-peak hours o mas murang oras ng tawag bago muling makipag-usap.
Sa pagdating ng text messaging noong dekada nobenta at internet messaging sa sumunod na mga taon, unti-unting nawala ang phone pal at telebabad.
Napalitan ang mahabang tawag ng maiikling mensahe, emojis, at video chats. Mas mabilis man ang komunikasyon ngayon, kakaiba pa rin ang init at pananabik na dulot ng simpleng pag-uusap sa telepono noon.
Sa kasalukuyan, maaaring tila luma na ang phone pal at telebabad, ngunit para sa marami, ito ay paalala ng panahong ang koneksyon ay hindi nasusukat sa bilis ng internet kundi sa haba ng pasensya, lalim ng usapan, at tibok ng pusong naghihintay sa kabilang linya.