May susunod na ba?
Sa kasaysayan ng politika sa Pilipinas, ilang senador na ang humarap sa pag-aresto, pagkakakulong, at mga kaso habang sila ay nakaupo pa sa kanilang puwesto. Ang ilan ay nasangkot sa mga kasong may kaugnayan sa korapsyon, rebelyon, at maging sa kontrobersyal na kampanya kontra droga.
Bagama’t nananatiling makapangyarihan ang posisyon ng isang senador, pinatunayan ng ilang kaso na maaari pa ring managot sa ilalim ng batas ang mga halal na opisyal ng bansa.
Narito ang ilan sa mga kilalang senador na naaresto o nakulong habang nasa termino:
Rep. Leila de Lima
Isa si dating senador at ngayo’y Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila de Lima sa mga pinakatanyag na senador na nakulong habang nanunungkulan.
Inaresto siya noong 2017 matapos sampahan ng kasong may kaugnayan umano sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison
Mariin niyang itinanggi ang mga alegasyon at iginiit na bahagi lamang ito ng political persecution dahil sa kaniyang pagbatikos noon sa war on drugs ng dating administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Mahigit anim na taon siyang nanatili sa kustodiya bago tuluyang makalaya noong 2023 matapos maibasura ang mga natitirang kaso laban sa kaniya.
Antonio Trillanes IV
Nakulong si dating Senador Antonio Trillanes IV dahil sa kaniyang partisipasyon sa Oakwood Mutiny noong 2003 at Manila Peninsula Siege noong 2007 laban sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Habang nakakulong, tumakbo siyang senador noong 2007 at nanalo. Kalaunan ay nakalaya siya matapos mabigyan ng amnestiya.
Noong 2018, muling naging kontrobersyal ang kaniyang kaso matapos ipawalang-bisa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang amnestiya niya, ngunit hindi siya tuluyang naaresto matapos maglabas ng desisyon ang korte.
Sen. Jinggoy Estrada
Naaresto si Sen. Jinggoy Estrada noong 2014 kaugnay ng kontrobersyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam o pork barrel scam.
Inakusahan siya ng plunder at graft dahil umano sa paglipat ng pondo sa mga pekeng non government organization (NGO) na iniuugnay kay Janet Lim-Napoles. Tumagal ng ilang taon ang kaniyang pagkakadetine bago siya nakapagpiyansa noong 2017.
Muli namang umuugong ang ang pangalan ni Estrada sa panibagong anomalya matapos siyang madawit sa kontrobersyal na flood control projects.
Bong Revilla
Kasabay ni Jinggoy Estrada, inaresto rin si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. noong 2014 dahil din sa PDAF scam.
Ilang taon siyang nakulong sa Camp Crame bago tuluyang mapawalang-sala sa kasong plunder noong 2018, bagama’t nahatulan siya sa ilang counts ng graft. Sa kabila ng kontrobersya, muli siyang nakabalik sa Senado matapos mahalal noong 2019.
Matapos bigong manalo sa Senatorial election noong 2025, muling naaresto si Revilla nitong 2026 matapos siyang maugnay sa maanomalyang flood control projects.
Juan Ponce Enrile
Naaresto rin si dating Senate President Juan Ponce Enrile noong 2014 dahil sa pork barrel scam. Nahaharap siya noon sa kasong plunder at graft kaugnay ng umano’y maanomalyang paggamit ng PDAF.
Kalaunan ay pinayagan siyang makapagpiyansa ng Korte Suprema noong 2015 dahil sa kaniyang edad at kalagayang pangkalusugan.
Sa kasalukuyan, mainit ngayong pinagdedebatihan ang kasong kinahaharap ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, matapos siyang opisyal na isama ng International Criminal Court (ICC) sa mga suspek sa madugong kampanya at kasong kinahaharap ngayon ni dating Pangulong Duterte dulot ng drug war.
Nananatiling nakaamba ang arrest warrant laban kay Dela Rosa habang nananatili siyang nakakanlong sa kustodiya ng Senado.