May 22, 2026

Home FEATURES

Unggoy na nagnanakaw sa kabahayan, nasagip sa La Trinidad

Unggoy na nagnanakaw sa kabahayan, nasagip sa La Trinidad
Photo courtesy: DENR Cordillera Administrative Region (FB)

Nasagip na ng Department of Environment and Natural Resources-Cordillera Administrative Region (DENR-CAR) ang isang unggoy na nagnanakaw ng mga pagkain at gamit sa mga bahay sa Longlong, Puguis, La Trinidad. 

Batay sa pahayag ng DENR-CAR noong Biyernes, Abril 24, mula sa pagkawala ng mga kagamitan at pagkain sa ilang mga bahay, nakumpirma rin ng mga residente na kasama sa ninanakaw ng long-tailed macaque ang ilang mga sisiw at iba pang maliliit na hayop sa kanilang lugar. 

Ngunit mas nagdulot pa ito ng pagkabahala nang makatanggap ng ulat ang mga residente na may bata nang nakagat ang unggoy.

Bilang tugon, nakipag-ugnayan ang Office of the Provincial Veterinarian of Benguet sa City Veterinary and Agriculture Office (CVAO) ng Baguio City upang ligtas at maayos na mahuli ang unggoy. 

Sa nasabi ring pahayag, ibinahagi ni Dr. Michael Takinah ng CVAO na aktibo ang unggoy at malusog bagama’t putol ang kaliwang kamay nito sa hindi pa nila natutukoy na dahilan. 

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Ibinahagi pa ng DENR-CAR na mahalagang parte ng pagsagip sa unggoy ang rehabilitasyon nito upang maiwasan na ang pagka-ulit ng mga insidente ng pagnanakaw mula sa mga residente at paglala ng agresibo nitong kilos, na panganib sa sarili nito at mga tao sa paligid. 

Tiniyak ng DENR-CAR na patuloy nilang iimbestigahan ang pinagmulan ng unggoy at paano ito nakarating sa Longlong, Puguis, upang makagawa ng karampatang aksyon sa rehabilitasyon at reintegration nito sa mas angkop na tirahan.