May mararating pa ba ang ₱250 sa ngayon?
Dahil sa kaliwa’t kanang pagtataas ng langis at pamasahe, tila paliit na nang paliit ang tingin ng maraming Pinoy sa halagang ₱250.
Ngunit sa pag-iikot ng Balita sa Gagalangin, Tondo, mapagtatantong marami-rami pa rin ang mabibiling kutkutin at palamig na meryenda sa halagang ₱250, at kung minsan pa nga’y sosobra pa ng ₱9 dahil sa pagkakadikit-dikit ng mga bilihan at dami ng mapagpipilian.
Kaya narito ang mga meryendang pinuntahan at dinaanan ng Balita team na “worth it” dayuhin kahit na nagtitipid, nais sulitin ang bakasyon, o nagpapalipas ng alinsangang dala ng dry season:
Taho
Maraming batang Tondo ang napapatakbo palabas ng kanilang mga bahay tuwing hapon dahil sa pagdaan ni Manong Taho na pasan ang kaniyang paninda.
Sa halagang ₱10, ma-eenjoy na ang maliit na baso ng taho, na libreng dinadagdagan ng arnibal o sago.
Para sa mga suki at sanay nang bumili kay Manong, maaari ding ibigay ang sariling baso o mangkok para sa mas maraming serving.
Frozen Yogurt
Kung pagpapalamig ang nais, maaari namang ma-enjoy ang isang order ng frozen yogurt sa “Yogurt All You Can” sa kahabaan ng Juan Luna Street, kung saan, sa halagang ₱39, makaka-order na ng refreshing plain frozen yogurt na may matamis na syrup bilang toppings.
Lemonade
Kung “healthier” choice naman ang hanap, mainam din subukan ang lemonade na mabibili sa “Kusina Korner” sa Juan Luna Street din.
Sa halagang ₱20, mapapawi na ang uhaw nang walang halong pangongonsensya dahil sa extra tamis na dala ng maraming pampalamig.
Kung may mas malaki-laking budget, mayroon ding lemonade yakult na puwedeng idagdag sa inumin sa karagdagang ₱10.
Siomai
Kung medyo “heavy eater” naman ang magme-meryenda, swak na ang ₱60 para sa anim na pirasong homemade siomai na siksik sa karne na pinaresan ng malinamnam na chili toyo-mansi.
Sa stall na ito, may choice ang customer na kainin ito sa isa sa nakapuwestong upuan at lamesa sa bangketa o kaya nama’y i-take out ito para sa bahay o sa daan kainin.
Fries
Kung maalat na pagkain naman ang cravings, katabi lang ng Homemade Siomai ang stall na “Home of Potatoes” na maaari nang makabili ng buy one take one na bucket fries sa halagang ₱55.
Bukod pa rito, mayroon pang iba-ibang luto ng fries na mabibili sa halagang ₱99 pataas, tulad ng Nacho Fries at Cheese and Bacon Fries.
Grilled Pusit
Kung fan naman ng street food ang magme-meryenda, hitik ang lugar ng Gagalangin sa mga tusok-tusok at ihaw-ihaw.
Isa na rito ang Grilled Pusit na dinadagsa dahil sa halagang ₱15, ma-eenjoy na ang isang stick na isasawsaw pa sa maanghang at may sipang tinimplahang suka.
Frappe
Isa pang palamig ngunit para sa mga mayroong “sweet tooth,” swak ang frappe ng “Erikeyks” pag-ikot naman sa Tondo Food Park sa Pampanga Street.
Sa halagang ₱30, makakabili na ng frappe, na maituturing man na smallest size, ngunit siksik naman sa anumang flavor na in-order, na may kasama pang pearl o malalaking sago at whipped cream.
Chocolate breadsticks at kendi
Pagdating naman sa Pag-Asa Street, makakabili ng ng homemade chocolate breadsticks at kendi sa halagang ₱30, na bukod sa light na meryenda, ay mababalik pa ang customer sa kaniyang pagkabata.