May 15, 2026

Home BALITA

MANIBELA, magkakasa ng transport strike sa Mayo 1

MANIBELA, magkakasa ng transport strike sa Mayo 1
Photo courtesy: MANIBELA/FB


Muling magsasagawa ng isang kilos-protesta ang transport group na MANIBELA sa darating na Mayo 1, kasunod ng kanilang panawagan hinggil sa iba’t ibang isyu at usaping panlipunan.

Sa isang anunsyo na ibinahagi ng MANIBELA nitong Linggo, Abril 26, ikakasa raw ang strike kasabay ng paggunita ng Araw ng mga Manggagawa, mula sa UP Diliman hanggang Mendiola.

“Sa Mayo Uno, araw ng manggagawa, tayo ay muling makikiisa sa panawagan ng ating pangunahing pasahero sa ating biyahe, ang mga kapatid nating manggagawa, at muling ipapanawagan ang ating mga hinaing sa tarangkahan ng Malakanyang, sa Mendiola!” saad ng MANIBELA sa kanilang anunsyo.

Batay pa sa pahayag ng transport group, ilan lamang sa mga panawagang kanilang isisigaw ay ang usapin tungkol sa sahod ng mga manggagawa at pagbabasura ng anila’y mga batas na nagpapahirap sa mga drayber at komyuter gaya na lamang umano ng Oil Deregulation Law, Value Added Tax, at TRAIN Law.

Isa pa sa kanilang mga ipagsisigawan ay ang usapin ukol naman sa pagpapanagot sa mga anila’y politiko at negosyanteng sangkot sa umano’y pananamantala sa mga presyo ng iba’t ibang produkto tulad ng langis, kuryente, at basic commodities.

National

Sen. Robin, 'person of interest' para matukoy kinaroroonan ni Sen. Bato—NBI



“Kaya't sa darating na araw ng mga manggagawa, muli tayong magsama-sama tungo sa tagumpay ng ating laban,” pagtatapos ng MANIBELA.

Photo courtesy: MANIBELA/FB