Sa Amerika, may isang araw na nakalaan para sa tinatawag na Remembering Your First Kiss Day. Bagama’t walang malinaw na detalye kung kailan ito nagsimula, ginugunita ito tuwing Abril 26.
Iba’t ibang paraan umano ang ginagawa para alalahanin ito. May ilan na muling nakikipag-ugnayan sa taong una nilang nahalikan. O kaya naman, ibinabahagi sa mga kaibigan o kapamilya ang kuwento nito.
Ano’t anoman, ang layunin umano ng espesyal na araw na ito ay upang hikayatin ang bawat isa na sariwain ang tamis ng unang halik na maituturing bilang milestone sa buhay ng tao na siyang magtatakda sa magiging romantikong relasyon nito kalaunan.
Pero ano-ano nga ba ang iba’t ibang klase ng halik? At ano-ano ang mga kahulugang nasa likod ng mga ito?
1. Air Kiss
Ginagawa kadalasan ang air kiss kapag bumabati ang dalawang tao sa isa’t isa. Bahagya nilang ilalapit ang ulo nila sa isa’t isa at ingunguso nila ang kanilang mga labi nang hindi naglalapat ang mga pisngi. Nangangahulugan umano ito na ang gumawa ng ganitong uri ng halik ay magpakita ng init ng pagtanggap.
2. Hand Kiss
Kadalasan, ginagawa sa mga pormal na pagtitipon ang paghalik ng lalaki sa kamay ng babae. Karaniwan ito sa mga babaeng may edad o mga nasa matataas na estado ng lipunan. Bagama’t hindi itinuturing bilang totoong halik ang paghalik sa kamay, pagpapakita ito ng kagandahang-asal at pagrespeto
3. Peck
Itinuturing bilang social kiss ang paghalik sa pisngi. Minsan, isang halik sa pisngi sapat na. Ngunit may mga gumagawa rin ng tig-isang halik sa magkabilang pisngi. Pero kung talagang malapit sa isa’t isa ang dalawang tao, lumalampas sa dalawa ang bilang ng halik sa pisngi.
4. Spiderman Kiss
Nagmula ang ganitong uri ng halik sa iconic na eksena ng Spiderman ni Sam Raimi noong 2002 kung saan ipinagtanggol ni Peter Parker ang love interest niyang si Mary Jane Watson matapos pagtangkaan ng ilang kalalakihan.
Matapos magpakabayani, lumambitin patiwarik si Peter mula sa isang gusali. Bahagyang iniangat ni Mary Jane ang maskara nito saka hinalikan.
Kung ginagawa ito ng dalawang magkasintahan, nangangahulugan lang umanong fan sila pareho ng Spiderman o sadyang malikhain lang talaga sila.
5. French Kiss
Itinuturing bilang isa sa pinakaromantikong halik ang French kiss. Sabi nga, French ang lengguwahe ng romansa. Ang French kiss ay ang paghalik na may kasamang dila. Kaya kung ginawa ito ng isang tao, nangangahulugan lang na may romantiko o sekswal siyang nararamdaman.
6. Neck Kiss
Pahiwatig ang neck kiss na maaari pang dumako sa mas marubdob na romansa ang ginagawa ng dalawang mag-partner. Sa oras na makarating na ang labi sa leeg, nangangahulugan ito na papunta na sa pagtuklas sa iba pang sulok at singit ng katawan ng isa’t isa ang nasimulang lampungan.