Isa ang Malaria sa mga itinuturing na “life-threatening” na sakit na dulot ng kagat ng lamok.
Ayon sa pag-aaral ng World Health Organization (WHO), ito ay kumakalat sa mga tao mula sa Anopheles na lamok, na kadalasang naninirahan sa mga tropikong rehiyon.
Bukod sa kagat ng lamok, ito rin ay maaari ding kumalat dahil sa kontaminadong karayom, kaya ang mga nasa “high risk” sa pagkakaroon ng malalang impeksyon ay mga sanggol, toddler na nasa edad 5 pababa, kababaihang nagdadalang-tao, mga biyahero, at mga indibidwal na may Human Immunodeficiency Virus (HIV) o Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS), saad pa ng WHO.
Habang mapipigilan pa rin ang patuloy na paglala ng Malaria, ang mga sumusunod ang “early symptoms” na mahalagang bantayan ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC):
- Lagnat o kaya’y mala-lagnat na sakit
- Chills o panginginig
- Sakit ng ulo, kalamnan, at pagkapagod
- Nausea o pagduwal, pagsusuka, at diarrhea
Ang mga sumusunod naman ang mas malalala pang mga senyales na maaari pang lumabas dahil sa komplikasyon ng Malaria, ayon pa sa CDC:
- Kidney failure
- Seizures o kombulsyon
- Mental confusion o pagkalito
- Comatose
Ayon pa sa WHO, kabilang din sa matinding sintomas ng Malaria ay dark o madugong ihi, jaundice o paninilaw ng mga mata at balat, at abnormal na pagdurugo sa katawan.
Ang pagkakaroon din ng sakit na ito para sa mga buntis ay maaaring magdulot ng premature delivery o pagkakaroon ng mababang timbang ng sanggol sa pagkapanganak.
Sa kaparehang pag-aaral ng WHO, ipinapayong gawin ang mga sumusunod upang mapababa ang panganib ng Malaria:
- Paggamit ng mosquito nets o kulambo.
- Pagpapahid ng mosquito repellents sa katawan.
- Paglalagay ng screen sa mga bintana na magsisilbing extra proteksiyon ng pamilya mula sa pagpasok ng lamok sa bahay