March 10, 2026

Home SHOWBIZ

Arnold Clavio sa mga predator: 'Dapat maging extinct na sila!'

Arnold Clavio sa mga predator: 'Dapat maging extinct na sila!'
Photo Courtesy: GMA News (FB), Screenshot from Arnold Clavio (IG)

Naglabas ng saloobin si GMA News anchor Arnold Clavio kaugnay sa paglipana ng mga opisyal ng pamahalaan na walang respeto sa kababaihan.

Sa isang Instagram post ni Arnold kamakailan, sinabi niyang hindi na dapat pa bigyan ng pagkakataon ang mga ito na maupo sa gobyerno.

“Hindi na dapat mabigyan ng pagkakataon ang mga katulad nila sa gobyerno na walang respeto sa kababaihan. At bakit sila naglipana ? Dahil natatawa pa tayo sa kanilang pagyayabang at papasin na mga kabastusan,” saad ni Arnold.

Dagdag pa niya, “Hindi na ba alam ang pagkakaiba ng tao sa mababangis na hayop? Walang lugar sa gobyerno at sa bansa ang mga predator ! Dapat ay maging extinct na sila.”

Kalakip ng post na ito ang video clip ng rape joke ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasagsagan ng kampanya noong Abril 2016. 

Tsika at Intriga

'Hindi kaduwagan yung pinili ko!' Misis ni Nikko, sinupalpal mga apektado sa pagpapatawad niya sa asawa

Ikinuwento ni Duterte sa nasabing video ang tungkol sa ikinasang operasyon laban sa mga kriminal na gumahasa sa ilang kababaihan.

“Nagalit ako kasi ni-rape? Oo. Isa rin 'yon. Pero napakaganda. Dapat mayor muna ang nauna. Sayang,” anang dating Pangulo.

Kasama rin sa post ni Arnold ang isa pang video clip kung saan inilahad ni Sen. Robin Padilla ang kaniyang pananaw sa usapin ng marital sexual consent sa ginanap na Senate Committee on Public Information and Mass Media noong Agosto 2024.

Aniya, “Siguro naman, sasang-ayon naman sa akin ang mga taumbayan 'pag sinabi kong may iba talagang urge ang mga lalaki, talagang nandoon e... Papano 'yon, nandiyan ang asawa mo to serve you, ayaw niya, anong pwede kong [gawin] para hindi ako mareklamo ng asawa ko, anong pwede kong sabihin sa kaniya?"

Bukod dito, tampok din sa video ang sexually suggestive pick-up line ng ngayo’y Camarines Sur Governor na si LRay Villafuerte. Gayundin ang hirit na biro ni dating Pasig congressional candidate Ian Sia tungkol sa mga single mother.

Maki-Balita: Padilla, naniniwalang may sexual rights sa asawa: 'Hindi mo naman pinipili kung kailan ka in heat'

Samantala, matatandaang pagpasok pa lang ng Marso, kung kailan ipinagdiriwang ang Women’s Month, nakatanggap ng pambabastos si “It’s Showtime” host Anne Curtis mula kay Quezon City 4th District Rep. Jesus "Bong" Suntay.

Sa pagdinig kamakailan ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte, ibinahagi niya ang isang personal na halimbawang tumukoy kay Anne.

Aniya, “Minsan nasa Shangri-La ako. Nakita ko si Anne Curtis. Ang ganda-ganda pala niya. You know, may desire sa loob ko na nag-init talaga, at na-imagine ko na lang kung ano ang puwedeng mangyari.”

“Pero siyempre hanggang imagination lang ’yon,” dugtong pa ni Suntay.

Binanggit niya ito bilang analohiya sa pakikilahok umano ng Bise Presidente sa mga rally at sa mga pahayag nito tungkol sa pagiging “designated survivor.”

Maki-Balita: 'May desire sa loob ko na nag-init talaga!' Pahayag ng solon tungkol kay Anne Curtis sinita, pinatanggal sa house records

Makalipas ang ilang araw, bumwelta ang aktres sa malisyosong pahayag ni Suntay. Aniya sa isang bahagi ng kaniyang pahayag, nananatili pa ring misogyny ang misogyny kahit itago pa ito sa pabirong pagsasabi.

Maki-Balita: Anne bumwelta kay Rep. Suntay: 'Misogyny dressed up as a joke is still misogyny!'