May 11, 2026

Home FEATURES Human-Interest

'Not withheld!' Top 1 ng March 2026 PLE, retaker muna bago nagtagumpay

'Not withheld!' Top 1 ng March 2026 PLE, retaker muna bago nagtagumpay
Photo courtesy: Erwin Ken Angcual Parchaso (FB)

Isang nakakagulat at nakaaantig na rebelasyon ang ibinahagi ng Top 1 sa March 2026 Physicians Licensure Examination (PLE) matapos niyang amining siya mismo ang tinukoy noon bilang “Name Withheld” sa inilabas na resulta ng Professional Regulation Commission (PRC).

Maki-Balita: 'Name withheld no more!' Top 1 ng March 2026 Physician Licensure Exam, tinukoy na

Sa kaniyang talumpati, na ibinahagi niya sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Abril 21, ipinakilala ng topnotcher ang sarili bilang Erwin Ken Angcual Parchaso, at nilinaw ang matagal na umanong palaisipan sa publiko.

“Hello. Yes, that's my name up there. And no, my name is not ‘Name Withheld,’” ani Parchaso.

Ayon sa kaniya, siya ay isang retaker na ilang beses ding nabigo bago tuluyang nakamit ang lisensya at maging nangunguna pa sa board exam.

Human-Interest

#BALITAnaw: ‘Kaka-kompyuter mo yan!’ Kailan unang nagamit ang computer sa Pilipinas?

"I am a retaker. Well, supposedly a third taker. But on my second attempt, I didn't even show up. I sat at home, stared at my books, and admitted: 'I'm not ready,'" aniya.

Ibinahagi niya na sa kaniyang unang take, naapektuhan ang kaniyang pagre-review nang mabalitaan niyang buntis ang kaniyang nobya, na ngayon ay kaniyang asawa na.

Dahil dito, aminado siyang nawalan siya ng pokus at bumagsak sa exam.

Sa ikalawang pagkakataon naman, hindi na siya sumipot sa exam day dahil pakiramdam niya ay hindi pa siya handa. Sa halip, pinili niyang samahan ang asawa at harapin ang responsibilidad bilang ama.

Sa ikatlong pagsubok ngayong Marso 2026, sinabi niyang mas handa na siya—hindi lamang sa academics kundi maging sa emosyonal at mental na aspeto.

Ngunit matapos lumabas ang resulta, una niyang inakalang hindi siya pumasa dahil wala ang kaniyang pangalan sa listahan.

Aniya, nakita niya noon na ang topnotcher ay may markang “Name Withheld” at under investigation.

Ngunit kalaunan ay nalaman niyang siya pala mismo ang “Name Withheld” at siya rin ang Top 1 sa buong bansa.

“That ‘Name Withheld’ I was blaming? It was me,” ani Parchaso.

Sinabi niyang napaiyak at napatawa siya nang sabay sa rebelasyong iyon, at doon niya napagtantong minsan, ang pinakamalaking hadlang ay hindi ang exam o ibang tao, kundi ang sariling takot at pagdududa.

Ibinahagi rin niya na inabot ng sampung taon bago niya natupad ang pangarap na maging doktor, hindi pa kabilang ang pre-med years.

"Ten years. That's how long it took me to become a licensed doctor. Medicine alone not including pre-med. Ten years of carrying a dream that felt heavier every time I fell short," aniya.

Sa kaniyang mensahe para sa mga retaker at mga hindi pa rin sumusuko, sinabi niyang hindi sukatan ng pagkatao ang nakaraang failures o scores.

“You are not behind. You are not a failure. You are not your past scores,” saad niya.

Nagpasalamat din siya sa kaniyang pamilya, asawa, anak na si Zackary, alma mater na Lyceum-Northwestern University, sa BGHMC Baguio kung saan siya nag-internship, at sa review center na tumulong sa kaniyang pagbangon.

Sa pagtatapos ng kaniyang post, inialay niya ang kaniyang tagumpay sa lahat ng dumaan sa hirap ng pag-abot sa pangarap.

"The road was hard. Some of us lost sleep. Some lost hope for a while. Some had to learn that being a doctor starts long before you have a license. It starts with courage, humility, and refusing to give up on the people who need us."

“And finally, let me introduce myself properly. I'm Erwin Ken Angcual Parchaso. Not withheld. Not hidden. Just here.”