Ang pagsasayaw ay isa sa entertainment na pinapanood ng marami sa social media at TV dahil sa nakahuhumaling na mga galaw, kasabay ang tugtugin na naka-iindayog.
Ayon sa mga pag-aaral, bukod sa paraan ng entertainment, ang pagsasayaw ay isa ring uri ng cardio exercise na nakatutulong sa pagpapalakas ng katawan.
Ito rin ay itinuturing na “mental and emotional health booster” dahil sa saya at fulfilment na dulot nito sa isang indibidwal matapos matutunan ang steps sa isang tugtog.
Dahil dito, narito ang ilan pa sa mga benepisyo ng pagsasayaw sa pangangatawan at pag-iisip:
Improvement ng cardiovascular health
Katulad ng ibang physical activities, ang pagsasayaw ay isang kakaibang paraan ng pag-eehersisyo upang palakasin ang kalusugan ng puso sa pamamagitan ng pagpapababa ng blood pressure, pagpapataas ng “good cholesterol,” na nagsisilbing filter sa daluyan ng dugo, at pagpapababa naman ng “bad cholesterol.”
Improvement ng balance at lakas
Base sa pag-aaral ng Healthline, dahil pinagsasama-sama ng sayaw ng galaw ng buong katawan sa iba’t ibang direksyon, nakakatulong ito sa pagpapalakas ng katawan at kapasidad nitong magbalanse.
Pagpapatibay ng pag-iisip
Sa iba pang pag-aaral, binanggit na dahil nagsisilbi ring challenge ang pagsasayaw sa pagtanda ng steps at mga pagkakasunod-sunod nito, napapagtibay nito ang pag-iisip ng isang mananayaw.
Kaya kasabay ng workout sa katawan, ito rin ay nagsisilbing mental workout.
Pagpapataas ng kumpiyansa sa sarili
Ayon naman sa Psychology Today, ang pagsasayaw ay nakakatulong sa pagpapahayag ng sarili dahil napagtitibay nito ang kapasidad ng isang mananayaw na pagkatiwalaan ang sarili.
Nagsisilbing mood booster
Panghuli, ang pagsasayaw ay nakikita ring mood booster dahil naiibsan nito ang sintomas ng ilang kondisyon sa mental health tulad ng depression dahil sa kinakailangan ritong pakikihalubilo sa ibang tao at sayang dulot ng napakikinggan na tugtugin.