May 21, 2026

Home BALITA National

Justice Secretary Vida, nakatakdang lumipad sa Czech sa Abril 23!

Justice Secretary Vida, nakatakdang lumipad sa Czech sa Abril 23!
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Ibinahagi sa publiko ni Department of Justice (DOJ) Acting Secretary Fredderick Vida na nakatakda silang lumipad papuntang Czech Republic sa paparating na Huwebes, Abril 23, 2026, kaugnay sa pagkakaaresto kay dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co. 

Matatandaang muling naglabas ng pahayag si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., noong Lunes, Abril 20, 2026, kaugnay sa sitwasyon ni Co sa kustodiya ng mga awtoridad ng Czech Republic. 

Abril 16, 2026, naman nang kumpirmahin ng Pangulo ang papagkakaaresto ni Co dahil hindi raw ito pinayagang makapasok sa border ng Germany kaya muling pinabalik at nahuli ng mga awtoridad ng Czech.

Inihayag din ni PBBM na inutusan na raw niya ang DOJ at Department of Foreign Affairs (DFA) na manguna sa pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Czech upang mairaan sa maayos na proseso ang pagbabalik kay Co.

KAUGNAY NA BALITA: 'We will bring Zaldy Co home in accordance with the law!'—PBBM

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

Ayon naman sa naging panayam ng media kay Vida nitong Miyerkules, Abril 22, kinumpirma niya ang nakatakda nilang pagpunta sa Republika ng Czech sa Abril 23. 

“Tomorrow, yes,” aniya. 

Paglilinaw ni Vida, hindi pa raw niya alam kung ilang araw sila tatagal sa Czech Republic ngunit sigurado na ang kaniyang paglipad patungo sa nasabing bansa.

“I don’t have the details yet pero tomorrow I’ll be flying,” saad niya. 

Ani Vida, makakasama raw niya sa Czech Republic si DOJ Chief State Counsel Dennis Chan at hindi pa raw nila alam kung sino ang mga indibidwal na kanilang pupulungin sa pupuntahan nilang bansa. 

“It will be Chief State Counsel Dennis Chan,” ‘ika niya. 

“Wala pa. The details will be coming along,” pagtatapos pa niya. 

Kaugnay nito, matatandaang nauna nang inilahad Vida noong Abril 20, ang dahilan sa tila pagiging kumpyansa niya na maibabalik si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co sa Pilipinas. 

Pagtitiyak niya, kumpyansa daw siyang maibabalik si Co sa bansa dahil sa kinasasangkutan nitong anomalya sa korapsyon at alam daw kasi niyang hindi kukunsintihin nasabing bansa si Co dahil hindi raw tinatangkilik ng nasabing bansa ang pag-iral ng korapsyon.

KAUGNAY NA BALITA: DOJ, kumpyansang maibabalik si Zaldy Co sa bansa!