Inilahad sa publiko ni Department of Justice (DOJ) Sec. Fredderick Vida ang dahilan sa tila pagiging kumpyansa niya na maibabalik si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co sa Pilipinas.
Matatandaang muling naglabas ng pahayag si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., noong Lunes, Abril 20, 2026, kaugnay sa sitwasyon ni Co sa kustodiya ng mga awtoridad ng Czech Republic.
Abril 16, 2026, naman nang kumpirmahin ng Pangulo ang papagkakaaresto ni Co dahil hindi raw ito pinayagang makapasok sa border ng Germany kaya muling pinabalik at nahuli ng mga awtoridad ng Czech.
Inihayag din ni PBBM na inutusan na raw niya ang DOJ at Department of Foreign Affairs (DFA) na manguna sa pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Czech upang mairaan sa maayos na proseso ang pagbabalik kay Co.
KAUGNAY NA BALITA: 'We will bring Zaldy Co home in accordance with the law!'—PBBM
Ayon naman sa naging pahayag ni Vida sa isinagawa niyang press conference nitong Martes, Abril 21, sinabi niyang kumpyansa daw siyang maibabalik si Co sa bansa dahil sa kinasasangkutan nitong anomalya sa korapsyon.
“Dahil ang ating hinahabol, ang ating pinipilit na mapauwi sa atin, ay naakusahan sa usapin ng korapsyon,” pagsisimula niya.
Diin ni Vida, alam daw kasi niyang hindi kukunsintihin ng Czech Republic si Co dahil hindi raw tinatangkilik ng nasabing bansa ang pag-iral ng korapsyon.
“Ito ay isang confidence na kapag tinanong ninyo sa atin, ‘Bakit confidence si Secretary Vida?’ Ito po ‘yong isang pinanghahawakan, kasi alam natin na sa Czech Republic, hindi nila kinukunsinti ang korapsyon,” diin niya.
“Hindi rin sila papayag na masasawata ‘yong objective na mapanagot ‘yong dapat na mapanagot dahil nanaguan lang sa ibang bansa. Kinikilala ito ng iba pang mga bansa,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon ang kampo ni Co kaugnay sa pagkakaaresto sa kaniya.
KAUGNAY NA BALITA: Zaldy Co, tiklo sa pagpasok sa Czech Republic—PBBM