Muling naglabas ng pahayag si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kaugnay sa sitwasyon ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co sa kustodiya ng mga awtoridad ng Czech Republic.
Matatandaang ang Pangulo rin mismo ang nagkumpirma sa pagkakaaresto ni Co sa pamamagitan ng paglalabas niya ng pahayag sa kaniyang Facebook post noong gabi ng Huwebes, Abril 16, 2026.
Aniya, hindi pinayagang makapasok sa border ng Germany si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co kaya raw pinabalik at nahuli ng mga awtoridad ng Czech Republic.
KAUGNAY NA BALITA: Zaldy Co, 'di pinapasok ng Germany kaya natiklo ng Czech—PBBM
Ayon naman sa inilabas na bagong video statement sa kaniyang Facebook page nitong Lunes, Abril 20, sinabi niyang nananatili pa rin si Co sa kustodiya ng mga awtoridad ng Czech Republic.
Aniya pa, ginagawa daw nila ang lahat ng kinakailangang hakbang upang maibalik si Co sa bansa.
“Nananatili po siya sa kustodiya ng Czech Republic at isinasagawa natin ang lahat ng mga kinakailangang hakbang para sa kaniyang pagbalik dito sa Pilipinas,” pagsisimula niya.
Ani PBBM, inutusan na raw niya ang Department of Justice (DOJ) at Department of Foreign Affairs (DFA) na manguna sa pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Czech upang mairaan sa maayos na proseso ang pagbabalik kay Co.
“Inutusan ko ang Department of Justice kasama ang Department of Foreign Affairs na pangunahan ang pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Czech Republic upang matiyak na maayos at naaayon sa proseso ang lahat ng kinakailangan,” saad niya.
Dagdag pa niya, Magpapadala rin ng high-level coordination team upang tutukan ito.”
Pagpapatuloy ni PBBM, may mga sinusunod daw kasing legal na hakbang sa pagitan ng mga bansa ang ganitong mga kasong kagaya ng kay Co kaya nangangailangan daw sila ng panahon upang maisagawa nang tama ang kanilang tungkulin.
“Ang ganitong mga proseso ay may sinusunod na mga legal na hakbang sa pagitan ng mga bansa kaya’t nangangailangan ng sapat na panahon upang maisagawa ng tama,” ‘ika niya.
Diin pa ng Pangulo, ibabalik nila si Co sa Pilipinas nang naaayon sa batas at magsasalita ang dating mambabatas para sa lahat ng Pilipino.
“We will bring Zaldy Co home and we will do so in accordance with the law. He will answer to the Filipino people,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Zaldy Co, tiklo sa pagpasok sa Czech Republic—PBBM