May 21, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Mga librong isinapelikula at tinangkilik ng masa!

ALAMIN: Mga librong isinapelikula at tinangkilik ng masa!
Photo courtesy: IMDb

Bukod sa Buwan ng Panitikan, ipagdiriwang din sa darating na Abril 23, 2026, ang “World Book and Copyright Day.” Isang selebrasyong pinasimulan ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) noon pang 2001 kung saan pumipili sila ng mga bansa taon-taon na pagdarausan ng nasabing pagdiriwang. 

Mula sa bansang Spain noong 2001 hanggang sa opisyal na mapili ng UNESCO, batay na rin sa rekomendasyon ng World Book Capital Advisory Committee, ang kapital na siyudad ng bansang Morocco na Rabat ngayong 2026. 

Layunin ng selebrasyong itong isulong pa lalo ang panitikan at palaguin ang ekonomiya sa pamamagitan ng paglalapit ng mga libro sa masa at masuportahan ang mga industriya ng lokal na mga palihan. 

Sa Pilipinas, bagama’t masasabing maraming mga tanyag na manunulat na tinatangkilik ng mga intelektwal at taong nagbabasa, bibihira lamang ang tagpong makakita na nagbabasa ang masa sa mga pampublikong lugar. 

“Wala tayo sa ideyal na mundo,” ‘ika nga. Bibihira ang makakita ng mga nagbabasang tsuper, vendor, kargador, karpintero, mason, tubero, at iba pa sa mga tabing kalsada, palengke, bangketa, at lansangan. 

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Pero teka, ayon nga sa tanong ng nobelistang si Eros Atalia, “Kaya ba tayo mahirap na bansa kasi hindi tayo nagbabasa, o hindi tayo nagbabasa kasi mahirap tayong bansa?” 

Sa kabila nito, lagi’t laging may paraan ang mga akdang pampanitikan upang maipahayag nito ang kaniyang estitikong dulot sa taong makakasalamuha niya. Kagaya ng nobela ng mga manunulat na sina Bob Ong, Lualhati Bautista, at Edgardo M. Reyes na naisalin para gawing pelikula ang kanilang mga akda upang mas mapalapit pa ito sa masa. 

BOB ONG

Si Bob Ong, tumatak siya sa masa dahil sa mga akda niyang mariing sumasalamin o 

sumasaling sa mga usapin at isyung panlipunan. Halimbawa sa libro niyang “MacArthur,” “Sy,” “Lumayo Ka Nga Sa Akin,” “Bakit Baliktad Magbasa Ng Libro Ang Mga Pilipino,” at iba pa. 

Bagaman matagal nang maraming humanga sa kakayahan ni Bob Ong sa pagsusulat ng libro, hanggang sa panahong kasalukuyan ay wala pa ring mga mambabasa ang nakatitiyak sa tunay na pagkakakilanlan. Lumabas na isa lamang niya itong sagisag-panulat (pen name) sa kaniyang mga libro. 

1. ABNKKBSNPLAKO?!

Noong 2014, isinapelikula ang isa sa mga tanyag na libro ni Bob Ong na “ABNKKBSNPLAKO?!” kung saan pinagbibidahan ng aktor na si Jericho Rosales ang karakter na si Roberto Ong. Nakasama niya rito sina Vandolph na gumanap bilang si “Ulo,” si Meg Imperial bilang si “Portia,” si Andi Eigenmann bilang ang “Special someone” ni Roberto Ong sa kuwento, at iba pa. 

Isa itong pelikula tungkol sa mga estudyanteng Pinoy. Silang mga naging teacher’s pet, naging teacher’s enemy, nangopya, nagpakopya, nag-cutting classes, umabsent, nag-JS, nagka-medal, na-kickout, umibig, nasaktan, naging guro, binalikan, iniwan ulit. 

Dahil may espesyal na puwang sa puso ng bawat bata ang pag-aaral mula sa elementarya, hayskul, hanggang sa kolehiyo, marami ang tumangkilik at natuwa sa nobela at lalo na sa pelikulang ito. 

Maaari pa ring makakita ng mga kopya ng librong ito sa mga online selling platforms at mapapanood pa ang nasabing pelikula online. 

2. LUMAYO KA NGA SA AKIN

Matapos pumutok sa takilya ng ABNKKBSNPLAKO?! ni Bob Ong, isa pa sa mga libro niya ang isinapelikula ay ang “Lumayo Ka Nga Sa Akin” noong 2016. Hinahati ang libro niyang ito sa tatlong parteng “Bala sa Bala, Kamao sa Kamao, Satsat sa Satsat,” “Shake Shaker Shakest,” at “Asawa ni Marie.” 

Itinatampok ng librong ito ang tatlong kwentong tungkol sa mundo o industriya ng action, horror, at drama. Tila isang satirikong pagkukuwento upang ilahad ang mga gasgas na gasgas na noong paraan sa paggawa at pagbali ng istorya sa industriya ng pelikula habang sumusundot sa mga usaping panlipunan. Hindi mawawala rito ang komedya na lubhang nagpasaya sa mga mambabasa kung maisasaisip nila ang aktuwal na mga nagaganap sa mundo ng paggawa ng kuwento at pelikula. 

At dahil maraming yugto ang librong ito, marami ang bumidang artista sa adaptasyon ng pelikula nito noong 2016. Halimbawa nina Benjie Paras, Candy Pangilinan, Maricel Soriano, Herbert Bautista, Cristine Reyes, Paolo Ballesteros, Jayson Gainza, at iba pa. 

Maaari pa ng makita ang mga kopya ng librong ito ni Bob Ong sa mga online selling apps at mapapanood sa online platforms. 

KAUGNAY NA BALITA: Post ng guro na hindi kilala ng mga mag-aaral niya si Bob Ong, inulan ng reaksiyon

LUALHATI BAUTISTA 

Masasabing isa si Lualhati Bautista sa mga naging pinakatanyag na manunulat, nobelista, at aktibista dahil sa mga matatapang niyang akda na tumatalakay at sumasaling sa mga usaping panlipunan. Lalo na noong panahon ng Martial Law sa panunungkulan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Halimbawa ng mga akda niyan “Dekada ‘70” noong 1983, “Bata, Bata… Paano Ka Ginawa?” noong 1983, “Gapo” noong 1988, “Desaparesidos” noong 2007, “Sixty In The City” noong 2015, at iba pa. 

1. DEKADA ‘70

Maituturing na isa sa mga naging tanyag na nobela ni Bautista ang Dekada ‘70 kung saan ay nakakuha siya rito ng Grand Prize sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 1983. 

Matapos ang halos dalawang dekada, ginawang pelikula ang naturang libro ni Bautista noong 2002 kung saan bumida rito sina Vilma Santos bilang si Amanda, Christopher De Leon nilang si Julian, Piolo Pascual bilang si Jules, Marvin Agustin nilang si Eman, Danilo Barrios bilang si Jason, at iba pa. 

Tungkol ang pelikulang ito sa panahong noong nagsimula at sumiklab ang martial law sa bansa. Ipinakita ng librong ito ang katayuan ng karakter na si Amanda na isang ina, masunuring asawa ngunit kalaunan ay natutong sundin ang kaniyang sariling pagpapasya at hindi umasa sa kalalakihan. 

Nariyan ang kaniyang asawa na si Julian Bartolome Sr. Tipikal na lalaki noong 70s na tila maliit ang tingin sa kababaihan at tumatayo bilang “man of the house” sa tahanan ng mga Bartolome. 

Ang kanilang panganay na anak na si Jules. Matapang na ipinaglaban ang bayan laban sa mapaniil na mga militar at sistema ng martial law. Inialay niya ang kaniyang sarili para sa bayan. 

Ang kaniyang ikalawang kapatid na si Isagani. Napilitang maging sundalo sa ibang bansa dala ng maagang pagkakaroon ng responsibilidad nang mabuntis niya ang kaniyang kasintahan. 

Si Emmanuel na siyang sumunod sa kaniyang kuya na si Jules na ipaglaban ang bayan sa pamamagitan ng kakayahan niyang magsulat. 

Ang bunsong si Jason na tila hindi gaanong pinagtutuunan ang pag-aaral. Masasabing tamad ngunit mabait at masayahing bata si Jason. Sa kasamaang palad, may nangyaring hindi maganda sa kaniya. 

2. BATA, BATA… PAANO KA GINAWA? 

Nagkamit din ito ng Grand Prize sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noon naman 1984 at isinapelikula noong 1998. 

Muling bumida sa nobela ni Bautista ang aktres na si Vilma Santos bilang si Lea Bustamante. Kasama sina Ariel Rivera bilang si Raffy, Albert Martinez bilang si Ding, Carlo Aquino bilang si Ojie, Serena Dalrymple bilang si Maya, at iba pa. 

Tungkol ito sa buhay ng isang ina na si Lea na isang social worker at single mother. May dalawa siyang anak na sina Ojie at Aya mula sa magkaibang tatay. Isa sa mga pangunahing ipinaglalaban ni Lea ay ang karapatan ng kababaihan sa lipunan.

Maituturing na mahalagang mapansin sa nobela o kuwentong ito ang paraan ng pagpapalaki ni Lea sa kaniyang dalawang mga anak. Sa kung papaanong natutong magsalita ang mga ito sa murang edad dahil hinahayaan ng kanilang ina na si Lea na ilahad nila ang kanilang nararamdaman at naiisip. 

Tungkol sa kung papaanong mahirap ang magpalaki ng dalawang anak habang may trabahong pinanghahawakan ang isang babae. Ang pagbibinata ni Ojie at ang pagbabalik ni Raffy habang kinakasama ni Lea si Bing. 

Ang naramdaman ni Maya nang magsimulang magbinata ang kaniyang kapatid na si Ojie. Ang pagsusulong ng halaga at karapatan ng kababaihan sa mundong isinasalin ang apelyido ng lalaki sa kaniyang asawa, at marami pang iba. 

Samantala, pumanaw si Bautista sa edad na 77 noong 2023. 

KAUGNAY NA BALITA: Nobelistang si Lualhati Bautista, pumanaw na sa edad 77

EDGARDO M. REYES

Maituturing na isang manggagawang manunulat at tanyag na nobelista si Edgardo M. Reyes, kung saan madalas niyang dinadalumat sa kaniyang mga akda mga kuwento sa araw-araw na buhay ng mga manggagawa. 

Ilan sa mga naging dakila at tumatak niyang libro ay ang “Sa Mga Kuko ng Liwanag,” Ang Mundong Ito ay Lupa,” “Laro sa Baga,” “Mga Uod at Rosas,” “Sa Aking Panahon,” at iba pa. 

1. SA MGA KUKO NG LIWANAG

Isa sa mga isinapelikulang akda niya ay ang “Maynila Sa Mga Kuko ng Liwanag” noong 1975 na naging all-time best seller at naisalin pa sa Nihongo ni Motoe Terami-Wada.

Bukod pa rito, ginawang basehan din ang nasabing nobela ng pelikulang “Maynila Sa Mga Kuko Ng Liwanag” na idinirek ni Pambansang Alagad ng Sining Lino Brocka na nagkamit ng Best Picture sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) Awards noong 1975.

Nakasentro ang kuwento ng akdang ito kay Julio na nagpasyang lumuwas ng Maynila para hanapin ang kasintahan niyang si Ligaya na nagbaka-sakaling matagpuan ang magandang kapalaran sa lungsod. 

Matutunghayan dito kung paano itinampok ni Reyes nang eksakto ang danas at sensibilidad ng mga manggagawa na araw-araw nakikipagsapalaran sa mabangis na buhay sa lungsod.

Pumanaw si Reyes noong 2012.

KAUGNAY NA BALITA: Kilalanin: Edgardo Reyes, manggagawang manunulat