Pumangatlo sa “Top 100 Chicken Dishes in the World” ng TasteAtlas ang Inasal na manok na nagmula sa rehiyon ng Western Visayas.
Sa nasabing updated food ranking ng TasteAtlas noong Miyerkules, Abril 15, mayroong rating 4.4 star out of 5 ang Inasal na manok.
Sinundan nito ang Pollo a la brasa ng Lima, Peru, na kadalasang mina-marinate sa espesyal na kombinasyon ng mga sangkap na kadalasang binubuo ng suka, paminta, rosemary, chili, at dark beer.
Pinangunahan naman ng Chikin ng South Korea ang food ranking na sumikat sa bansa dahil sa kanilang double frying technique na nagreresulta sa malutong na balat ng manok.
Bukod pa rito, kadalasan na inihahain ang Chikin kasabay ng iba’t ibang malalasang sauce at seasonings tulad ng spicy gochujang, soy garlic, at honey butter.
Sa kabilang banda, ang Inasal na manok ay signature dish ng Western Visayas na kadalasang ibinababad sa suka at iba pang pampalasa tulad ng tanglad, bawang, at luya.
Sa kasagsagan ng pag-iihaw sa manok, binabarnisan ito ng atsuete, na nagbibigay sa mala-kulay ginto nitong balat at maalat-alat na lasa.
Inihahain ito kasabay ng sinangag at maanghang na suka.
Kaya noong 2022, idineklara ng Bacolod City na cultural property ang Inasal na manok.