May 13, 2026

Home FEATURES Lifehacks

ALAMIN: ‘Life hacks’ para maibsan ang stress sa araw-araw

ALAMIN: ‘Life hacks’ para maibsan ang stress sa araw-araw
Photo courtesy: Unsplash

Sa dami nang nangyayari sa araw-araw, hindi malabong ubos na ubos na ang energy lunch break pa lang. 

Mula sa kabi-kabilang pagtataas ng presyo ng langis bunsod ng tensyon sa Middle East, mga kasuhan at rambulan sa pulitika, hanggang sa mga kumakalat na fake news online, na sumasabay sa alinsangan ng panahon at pang-araw-araw na gawain sa trabaho, paaralan, o bahay, tiyak marami ang gusto nang tumakas sa realidad para makahinga muna. 

Dahil dito, narito ang ilang tips na epektibong makatatanggal ng stress na hindi kinakailangang takasan ang realidad:

Magkaroon ng “me time” 

Ayon sa mga pag-aaral, ang “me time” o self-care ay hindi kinakailangang maging komplikado, sapat na rito ang paglalaan ng oras upang magawa ang mga simple ngunit makabuluhang bagay na makapagpapasaya sa sarili habang iniiwasan ang mga pinagmumulan ng stress. 

Lifehacks

ALAMIN: Tips upang maprotektahan ang sarili mula sa panganib ng ashfall ayon sa DOH

Ilan sa mga paraan ng self-care ay ang mga sumusunod: 

- Pag-offline sa social media

- Pagbabasa ng paborito o bagong libro 

- Pagpapamasahe ng katawan 

- Pag-eehersisyo nang walang pressure

- Paggamit ng diffuser na mayroong calming scents

Iwasang umasa sa unhealthy habits 

Ayon sa National Health Service (NHS), bagama’t nagdadala ng panandaliang kaluwagan ang pagsandal sa unhealthy habits tulad ng pag-inom ng alak at caffeinated na mga inumin, at paninigarilyo, sa pangmatagalan, nagdudulot ito ng karagdagan pang stress at problema sa kalusugan. 

Magkaroon ng tamang nutrisyon 

Ayon naman sa American Psychological Association (APA), sa kabila ng kinahaharap na stress, ang pagkakaroon ng diet na mayroong nutrisyon ay nakakatulong upang proteksyonan ang pangangatawan mula sa mga sakit. 

Bukod pa rito, ang mga pagkaing mayaman sa nutrisyon ay nakakatulong din na mabigyan ng sapat na enerhiya ang katawan upang kaharapin ang mga pagsubok sa araw-araw. 

Batay sa Healthline, ang whole foods na nakakatulong sa nutrisyon ng katawan ay mga sumusunod: 

- Mga gulay 

- Mga prutas 

- Beans

- Isda

- Nuts

- Seeds 

Tiyaking maayos ang oras ng tulog 

Saad pa sa pag-aaral ng APA, ang puyat ay nakakaapekto sa pag-iisip at mood sa susunod na araw. 

Kaya ang pagkakaroon ng maayos na tulog ay nakakatulong upang maikalma ang sarili at totoong makapagpahinga bago ang susunod na mahabang araw. 

Anila pa, ang susi sa maayos na tulog ay ang pag-iwas sa alcohol at caffeinated drinks pagdating ng hapon at gabi. 

Gayundin ang pag-iwas sa paggamit ng phone bago matulog dahil ang blue light na nagmumula rito ay nakaaapekto sa melatonin, na kilala rin bilang sleepy hormone. 

Maglaan ng “cuddle time” sa minamahal

Ayon pag-aaral ng Healthline, ang physical contact tulad ng pagyakap ay isa ring parte ng stress reliever dahil sa paglalabas nito ng oxytocin at pagpapababa ng cortisol levels sa pangangatawan. 

Kaya nakakatulong ito na mapababa ang blood pressure at tibok ng puso na kadalasang sintomas ng stress. 

Magkaroon ng quality time kasama ang fur baby 

Sa pag-aaral din ng Healthline, ang fur babies ay nakakatulong sa pagpapababa ng stress at improvement ng mood dahil sa ibinibigay nilang sense of purpose at companionship sa kanilang amo o fur parents. 

Tanggapin na may mga bagay na hindi palaging nako-control 

Panghuli, tanggapin na may mga bagay na hindi na saklaw ng sariling control at hindi sa lahat ng pagkakataon, hawak ng iisang tao ang lahat ng solusyon sa partikular na problema. 

Kaya mainam na humingi ng tulong sa iba pang mapagkakatiwalaang tao at kasamahan at sama-samang gawan ng solusyon ang problema. 

Dahil bukod sa solusyon, posible ring makatagpo ng bagong pagkakaibigan sa paraang ito, na nakatutulong din sa pag-ibsan ng stress. 

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mga epekto ng stress sa pangkalahatang kalusugan