May 21, 2026

Home BALITA

VP Sara, itinangging namimigay siya ng papremyo sa e-wallet, ibang platform

VP Sara, itinangging namimigay siya ng papremyo sa e-wallet, ibang platform
Photo courtesy: Inday Sara Duterte/FB


Pinasinungalingan ni Vice President Sara Duterte ang pagkalat ng ilang mga posts patungkol umano sa pamimigay niya at ng kaniyang pamilya ng mga papremyo.

Sa isang babala na ibinahagi ni VP Sara sa kaniyang Facebook account nitong Miyerkules, Abril 22, nilinaw niya na kahit ang Office of the Vice President (OVP) ay walang ganoong inisyatibo.

“Ikinababahala natin ang patuloy na paglaganap ng mga social media groups tulad ng Duterte Legacy na nagpapakalat na ako at ang aking pamilya ay nagbibigay ng mga papremyo,” saad ni VP Sara.

Aniya, “Ang Tanggapan ng Pangalawang Pangulo, at maging ako man, ay hindi nagbibigay ng mga papremyo sa mobile e-wallet o anumang platform.”

Babala pa ng Bise Presidente, huwag agad maniwala sa mga ganitong uri ng impormasyon.

“Huwag magpaniwala sa mga ganitong post, at iwasan din ang pagbibigay ng mga impormasyon na maaaring magamit ng mga scammer sa kanilang mga gawain,” anang Bise Presidente.

Kamakailan din, nagbabala ang Pangalawang Pangulo kaugnay naman sa mga kumakalat na email messages na ginagamit umano ang kaniyang pangalan.

“Nais ko pong linawin na ang email address na ‘[email protected]’ ay hindi ko personal na account at hindi ito konektado sa ating opisina,” saad ni VP Sara sa kaniyang social media post kamakailan.

MAKI-BALITA: VP Sara, binalaan publiko sa gumagamit ng pangalan niya sa pagpapadala ng email messages